Mayor Isko kinuhang brand endorser, lahat ng kinita ibinahagi sa kawanggawa

  • Mayor na, modelo pa si Manila Mayor Isko Moreno
  • Si Mayor isko ay kinuhang endorser ng IAM coffee at Jag Jeans
  • Ang lahat ng talent fee niya ay idino-donate niya sa PGH

Hindi lang isang mahusay ng alkalde si Mayor Isko Moreno ng Lungsod ng Maynila; isa na rin siyang modelo ng isang kumpanyang gumagawa ng jeans at jackets at brand endorser ng kumpanyang gumagawa ng mga kape.

Screenshot mula sa video ng Mayor Isko Moreno

Sa isang video ay isiniwalat ng butihing alkalde na nitong nakalipas niyang kaarawan, ika-24 ng Oktubre, ay nakalikom siya ng regalo na nagkakahalaga ng P24.5 million kabilang na ang talent fee niya sa pag-endorso ng mga produkto.

Napag-alaman na ang lahat ng talent fee na natanggap niya sa pagmomodelo ay diretso niyang ibinigay sa Philippine General Hospital (PGH) Medical Foundation Incorporated.

Anang alkalde, idinonate niya ang halagang natanggap para sa mga batang may malubhang karamdaman na pasyente ng PGH.

Bilang endorser ng IAM coffee, kabilang ang Tongkat Ali; Latte; Mocha; at Gluta coffees, ang natanggap niyang talent fee ay tatlong milyong piso. May paunang bayad na sa kanya ang kumpanya, na ang isa sa mga may-ari ay ang aktres na si Maritoni Fernandez, na nagkakahalaga ng isa at kalahating milyong piso.

Ipinakita ni Mayor Isko sa video ang tseke ng P1.5 million na nakapangalan na sa PGH.

Imahe mula kay Maritoni Fernandez

Kinuha rin siyang brand ambassador ng Jag para sa jeans at jacket products ng kumpanya. Isang milyong piso ang talent fee niya rito.

Nang malaman ng may-ari ng kumpanya na ido-donate ng alkalde sa PGH ang lahat ng talent fee niya ay nangako ito na tatapatan niya ang isang milyong piso at ibibigay rin sa PGH.

“Basta ang sinisigurado ko sa inyo may pupuntahan namang maayos ‘yan kasi kung makakatulong ako para gasgasin ang katawan ko, Ok lang. OK lang bakit? Basta pakikinabangan ng ibang “utaw” (tao) lalo na ‘yung may mga sakit,” sabi ni Mayor Isko sa lingguhan niyang Facebook video na “The Capital Report.”

Sa nasabing video ay pinasalamatan ng mayor ang lahat ng nagbibigay ng tulong para sa Lungsod ng Maynila.

Imahe mula kay Mayor Isko Moreno

Loading…