Naimas! Talbos ng kamoteng pinitas, isahog sa sinabawang sardinas

  • Natakam ang netizens sa sinabawang sardinas na may talbos ng kamote
  • Swak na swak umano ito sa budget; masustansya na, tipid pa
  • Ang talbos ng kamote ay isang masustansyang halaman na nakapagpapadagdag ng dugo

Isa ang sardinas sa mga de–latang karaniwang binibili ng mga Pilipino at ginagawang stock na pagkain sa bahay. Sa panahon ng kagipitan at pangangailangan, inilalabas ito at inihahain sa hapag–kainan. Tunay ngang masarap ang masarsang pagkaing ito. Maaaring ipalaman sa tinapay o iulam sa mainit na kanin.

Para sa ibang mga mapamaraan at may malaki–laking pamilya, maaari itong maparami at gawing mas masustansya. Maaari itong sabawan at lagyan ng isa sa masusustansyang gulay na maaaring pitasin sa bakuran at tumutubo lamang sa tabi–tabi: ang talbos ng kamote. Masustansya na, tipid pa!

Kaya naman marami ang nakaugnay sa mga larawang ibinahagi sa mga Facebook page na “Magsasaka Mabuhay Ka” at “Nostalgia Philippines” kung saan makikita ang talbos ng kamoteng pinitas na maaaring isahog sa sinabawang sardinas. Ayon nga sa wikang Ilokano, “Naimas!”

Imahe mula sa Facebook page na Nostalgia Philippines

Narito ang komento ng netizens:

“Wow paborito ko iyang talbos ng kamote at sardinas, masustansya na mura pa. Bagay sa mga taong nagtitipid. Iyan ang pambansang ulam ng pangkaraniwang taong tulad ko.”

“Favorite ng mamang ko iyan, nilagang talbos ng kamote with matching calamansi at bagoong isda (monamon) tapos may kamatis. ‘Yucky’ when I was a young child, but yummy when I have known it’s nutritional value.”

“Opo, iyan po ulam namin kahapon. Sardines na may talbos na kamote pati mga anak ko kumain din…”

“Simpleng pagkain na talaga namang nakakagana, kung hindi ka maarte sa pagkain. Masarap at masustansya ang talbos ng kamote.”

Paano nga ba ang pagluluto nito? Igisa ang sardinas sa bawang at sibuyas at lagyan ito ng sabaw at asin. Saka ilagay ang nilinis na pinitas na talbos ng kamote at hayaan itong kumulo. Huwag hayaang masobrahan ang pagkakaluto sa talbos. Maaari din itong ilaga at saka isawsaw sa bagoong na may kamatis.

Imahe mula sa Facebook page na Nostalgia Philippines

Bukod sa talbos ng kamote, maaari ding isahog sa sardinas ang dahon ng malunggay, upo, patola, alugbati at kundol. Kung wala namang gulay, maaari din itong lagyan ng miswa. Chibugan na!

Loading…