Nitsong may disenyo ng tsokolate sa Albay, nagmistulang atraksyon sa mga turista

  • Nagmistulang tourist attraction ang isang kakaibang puntod sa isang sementeryo sa Albay
  • Isang sikat na imported brand ng tsokolate kasi ang nakadisenyo sa nitso nito na pinagawa ng kaniyang anak
  • Hindi lamang ito ang naging disenyo ng naturang puntod, kundi pati na rin ang mga sikat na produkto gaya ng Ferrari, Black Label, Starbucks, Lacoste, at iba pa 

Nakakita ka na ba ng nitso o puntod na napipinturahan ng isang imported–brand na tsokolate?

Kung hindi pa, maaari kang magtungo sa Oas Catholic Cemetery sa Albay dahil masusumpungan mo roon ang isang kakatwang puntod na napipinturahan ng “M&M’s”; isang sikat na brand ng tsokolate, na nagmistulang atraksyon ng mga turista.

Imahe mula sa ABS CBN News

Ayon sa ulat ng ABS–CBN News, puntod ito ng isang amang nagngangalang “Jose Relleve Y Reodique”, na paborito ang naturang tsokolate kaya ito ang naging tema ng disenyo ng kaniyang nitso, na ipinagawa ng kaniyang anak. Namaalam sa daigdig ang kaniyang ama noong 2011.

Umani naman ito ng samu’t saring reaksyon mula sa netizens. Hindi naman kasi ito pangkaraniwan at paborito pa ng marami.

“Imported brand, pwede kayang CHOC NUT naman sa susunod ang ipinta nila. Love your own product, ‘ika nga.”

“Aba kakaiba mag–endorse ng chocolate si Tatay, sana mapansin ng M&M’s para malagyan po kayo ng bubong na maganda. RIP po.”

“Cool. Astig. Wala akong nakikitang masama sa ginawa nila. If that is the way na nakikita nila to honor their father, why not? Let them. Hindi naman natin pera iyan.”

“Kapag corrupt politician, dapat drawing sa ganyan nila Philippine currency mula piso hanggang isang libo. Alam na, hahahaha…”

“Kapag ako ang nawala, SYS, ang ilalagay ko sa puntod ko, ibig sabihin ng SYS ay ‘See You Soon’ hahahaha, para witty pa rin.”

Bukod dito,  dati na rin umanong pininturahan ng iba pang produkto ang nitso, tulad ng Ferrari, Black Label, Starbucks, Lacoste, at iba pa; pawang mga paboritong produkto ng kaniyang ama; isang masayang paraan ng pag-aalaala sa kanya.

Imahe mula sa ABS CBN News

Loading…