Pagtatayo ng Kaliwa Dam, tuloy na raw ayon sa MWSS pero ang lalawigan ng Infanta, Quezon ‘di pa raw pumapayag

  • Tuloy na umano ang pagpapatayo sa kontrobersyal na Kaliwa Dam
  • Mayroon na raw ECC ang MWSS na kailangan upang maumpisahan ang pagpapatayo sa dam
  • Gayunman, hindi pa raw pumapayag ang Infanta, Quezon sa nasabing proyekto

Iginiit ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na tuloy ang pagtatayo ng kontrobersyal na Kaliwa Dam. Ito ay sa kabila ng maraming batikos at pagtutol ng ilang grupo at lokal na pamahalaan sa maaaring maging epekto nito sa kalikasan at sa mga katutubong naninirahan sa mga kagubatang tatamaan ng konstruksiyon.

Kamakailan nga, nag-umpisa nang magbigay ang MWSS ng paunang bayad sa mga residente ng Teresa, Rizal na masasakop ng tunnel portal at dalawang treatment plant ng Kaliwa Dam. Madaraanan kasi ang bahaging ito ng Rizal patungong Quezon kung saan itatayo ang dam.

Larawan mula sa Department of Finance

Nakakuha na rin ang MWSS ng environmental compliance certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na isa sa mga mahahalagang kinakailangang papeles upang masimulan na ang kontrobersyal na dam.

Ngunit kahit handang-handa na ang MWSS sa proyekto, idiniin naman ng lokal na pamahalaan ng Infanta, Quezon na hindi pa sila nagbibigay ng pahintulot na gawin ang proyekto. Ang bayan kasi ay isa sa mga madaraanan ng proyekto.

Ayon sa pahayag sa GMA News ng bise alkalde ng Infanta na si Lord Arnel Ruanto, sa oras na maumpisahan ang pagtatayo sa Kaliwa Dam ay mawawalan umano ng pagkukuhanan ng tubig ang mga palayan sa nasabing bayan sa Quezon.

Giit pa ng bise alkalde, hindi rin umano magandang lugar ang napili ng MWSS na pagtayuan ng dam sapagkat mayroon daw natutulog na fault line sa bahaging iyon ng Infanta na maaaring gumalaw anumang oras at magdulot ng pinsala sa kanilang mga residente.

Larawan mula sa Infanta, Quezon Facebook page

Maging ang samahan ng mga katutubo sa hilagang bahagi ng Quezon ay hindi rin sang-ayon sa pagtatayo ng dam. Ayon sa kanila, marami sa kanila ang mawawalan ng tirahan at kabuhayan kung matutuloy ang proyekto.

Nakagawa na raw sila ng mga konsultasyon sa ibang eksperto at sinabing hindi naman ang pagtatayo ng dam ang solusyon sa nagkukulang na suplay ng tubig sa bansa. Marami raw na mas makakalikasang paraan tulad ng pagkuha sa Laguna Lake at mga karagatan ng suplay ng tubig.

Loading…