Panelo, sumagot sa text message na ‘di sinasadyang naipadala sa kaniya

  • Viral online ang pagsagot ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa text message ng isang reporter
  • Aminado ang reporter na sa sobrang gutom niya, hindi sinasadyang na-text niya ang opisyal
  • Marami naman ang naaliw sa pagkakamali ng mamamahayag at naging biruan na lamang ito sa social media
Imahe mula kay Annie Lyn Palcon Bico | Facebook

Kinaaliwan sa social media ang pagsagot ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa text message ng isang reporter na hindi sinasadyang naipadala sa kaniya.

Ibinahagi mismo ng TV reporter at bahagi ng Malacañang press corps na si Annie Bico ang pagkakamaling kaniyang nagawa dahil sa gutom at tagal ng paghihintay sa opisyal para sa press briefing na nakatakda sanang maganap bandang alas-onse ng umaga ngunit hindi pa rin nagsisimula kahit pasado alas-dose na ng tanghali.

Mababasa rito ang ‘di sinasadyang text message na naipadala niya kay Panelo sa halip na sa kaibigan.

“Tagal ni Panelo. Gutom na ko,” ayon sa text message ng reporter.

Makikita rin sa larawan na ibinahagi ni Annie ang reply ng opisyal tungkol sa gutom na kaniyang nararamdaman dahil sa tagal ng kaniyang paghihintay.

“E di kumain ka muna. Ako nga wala pang breakfast,” diretsahang reply ng opisyal sa text.

Marami namang netizens ang dinaan na lamang sa biruan ang pagkakamaling iyon ng reporter.

“Hahaha! May ganiyang moment din ako sa harap ni Imelda Marcos. Gusto mo na magpakain sa lupa no?” ani ADDM.

Imahe mula kay Annie Lyn Palcon Bico | Facebook

“Parang may mawawalan ng trabaho,” pagbibiro ni SMV sa kaibigan.

Samantala, sinabi naman ni Annie na humingi siya ng paumanhin sa opisyal dahil sa pagpapadala ng maling mensahe para dito. Kinumpirma rin niya na hindi naman siya nawalan ng trabaho, ‘di tulad ng biro sa kaniya ng ibang mga kaibigan.

Sa kasalukuyan ay umani na ang post ng halos 5,000 reactions at higit 1,000 shares sa Facebook.

Loading…