Patok na ube-cheese pandesal matatagpuan din sa Barangay Bucal, Calamba

  • Patok sa publiko ang ube-cheese pandesal sa Calamba, Laguna
  • Hindi  gumagamit ng kahit na anong baking machine ang gumagawa nito
  • Nagkakahalaga itong 10 piso bawat piraso ng pandesal

Matapos pumatok ang ube-cheese pandesal na dinarayo pa sa Silang, Cavite, hindi naman papatalo ang Barangay Bucal sa Calamba, Laguna sa kanilang bersyon ng twist na ube-cheese pandesal.

Hindi na lamang buko pie o espasol ang maaaring mabiling pampasalubong kung ikaw ay magagawi sa Laguna, partikular sa Calamba, dahil maaari na ring tikman at bilhin ang ube-cheese pandesal sa “Koko’s Hut” na pagmamay–ari ni Koko Alcasid.

Ayon kay Alcasid, hindi sila gumagamit ng kahit na anong baking machine sa paggawa nito. Handmade niya itong minamasa at ginagawa kaya naman ito ang dahilan kung bakit niya nililimitahan ang mga orders sa kaniya.

“’Yung mismong pandesal lahat manually ko ginagawa. Kaya kailangan malakas arms kase 10kg ng flour usually minamasa ko,” sabi ni Alcasid.

Imahe mula sa Facebook page na South Snags

Umani naman ito ng reaksyon sa netizens.

“Masarap talaga ang kanilang pandesal. Nakatikim na ako niyan. Sulit na sulit. Kaya lang, kailangan mabilis ang order mo kasi mabilis maubos at limited lagi dahil handmade niya ginagawa ang tinapay.”

“Naiiba nga ang pandesal nila. Mabilis maubos. Malinamnam. Lasang–lasa ang ube at keso na nasa loob. Good idea!”

Ang pandesal o pan de sal o nangangahulugang “salt bread” ay dinala sa atin ng mga Espanyol at naging bahagi na ng pagkaing Pilipino, lalo na tuwing almusal o agahan. Gawa ito sa harina, itlog ng manok, pampaalsa, tubig, asukal, at asin.

Imahe mula sa Facebook page na South Snags

Sa Pilipinas, bukod sa mabibili ito sa murang halaga sa mga panaderya at iba pang bakeshop, inilalako rin ito tuwing madaling–araw o umaga. Bagay na bagay na ipalaman dito ang keso o mantikilya. Bago pa man mauso ang ube–cheese pandesal, nauna na rito ang paglalagay ng malunggay na talaga namang pinag–usapan at tinangkilik din.

Ang ube–cheese pandesal na ito ay nagkakahalagang 10 piso sa bawat piraso. Sulit naman, hindi ba?

Loading…