Reaksyon ng Malacañang sa Duterte Halloween mask na ibinebenta sa Amazon: “Amusing”

  • Duterte Halloween mask ibinebenta sa Amazon online shopping site
  • $32.99 ang presyo ng bawat isang Duterte Halloween mask
  • Sa halip na ma-offend ay naaliw ang Malacañang sa nasabing maskara

Ibinebenta sa US-based online shopping site na Amazon ang isang latex Halloween mask na ang inspirasyon ay si Pangulong Rodrigo Duterte. Gawa ng Calli’s Company ang maskara.

Imahe mula sa Amazon

Makikita sa Amazon ang “Rodrigo Duterte Rodi DU30 Philippines President Halloween adult latex mask” na ibinebenta sa halagang $32.99 o katumbas ng halos P1,700.

Hindi nagde-deliver sa Pilipinas ang Cali’s Company, ayon sa Amazon.

“This item does not ship to Philippines. Please check other sellers who may ship internationally,” mababasa sa online shopping site.

Dalawang piraso na lang umano ang natitirang Duterte Halloween mask kaya hinihikayat ang publiko na umorder agad. Isinalarawan ng Calli’s Company ang Duterte Halloween mask bilang “Excellent realistic craftsmanship. Quality latex mask.”

Hindi naman minasama ng Malacañang ang Duterte Halloween mask. Sa katunayan ay sinabi ng Presidential Spokesman na si Secretary   Salvador Panelo nang hingan siya ng reaksyon tungkol sa maskara na nakaaaliw iyon. Ipinapakita lang daw nito ang pagiging popular ni Pangulong Duterte.

Imahe mula sa Amazon

“Amusing, ” ani Panelo.

“Hindi. That means he has arrived. Can you imagine, trending all over the world. Talagang tinatakot ‘yung mga kriminal, eh” sagot ng tagapagsalita ng Pangulo sa tanong kung na-offend ba ang Palasyo sa Duterte Halloween mask.

“Kapag ikaw daw ay nagiging topic na ng lahat dahil may ginagawa ka, niloloko ka o pinupuri ka, ibig sabihin you have arrived. Otherwise, hindi ka papansinin,” paliwanag ni Panelo.

Imahe mula sa Amazon

Bukod sa Duterte Halloween mask, nagbebenta rin ang Calli’s Company sa Amazon ng Duterte coffee mugs na may iba’t ibang disenyo. Ibinibenta ang mga iyon sa halagang $14.95 o katumbas ng P760 bawat isa.

Loading…