Reina Hispanoamericana 2019, inihinto; Miss Philippines, nasa Bolivia na sana para sa pageant

  • Hindi muna itutuloy ang Reina Hispanoamericana 2019 pageant dahil sa mga kaguluhan sa Bolivia
  • Naroon na ang pambato nating si Kat Llegado nang i-postpone ng organizers ang pageant
  • Gayunman, magtutungo na lang daw muna siya sa mga kaanak niya sa Toronto habang wala pang anunsiyo sa pagtutuloy ng pageant

Isa sa mga pinaka-inaabangang pageant sa mundo ang Reina Hispanoamericana. Para ito sa mga bansang may lahing Spanish o may kulturang Espanyol. Kilala ang mga Latina bilang mahuhusay na pageant contestants, kaya naman mahigpit ang labanan para sa titulo.

Sa pamamagitan ng Miss World Philippines Organization, nagpapadala ng representative ang Pilipinas sa nasabing pageant. Sa unang taong pagsali nga ng Pilipinas ay naiuwi agad ang korona dahil sa magandang performance ng aktres na si Teresita Ssen ‘Winwyn’ Marquez noong 2017.

Larawan mula sa Instagram account ni Kat Llegado

Gayunman, kakailanganin munang maghintay ng pageant fans kung sino ang bagong Reina Hispanoamericana dahil inihinto muna ng organizers ang patimpalak dahil sa kaguluhang nangyayari sa Bolivia dahil sa halalan.

Ibinahagi ng Miss World Philippines Organization ang isang statement mula sa organizers na Promociones Gloria kasunod ng hindi pagpapatuloy ng patimpalak na nakatakda sanang ganapin sa November 9.

“Promociones Gloria announces that the International Contest ‘Reina Hispanoamericana’, has been postponed until further notice for the events that are happening in Bolivia,” sabi ng isinaling statement ng organizers mula sa Sta. Cruz, Bolivia.

Nasa Bolivia na sana ang pambato ng Pilipinas na si Kat Llegado ngunit isang araw mula nang dumating siya roon ay napagpasyahan ng organizers na ihinto muna ang pageant. Sa isang Instagram post, ipinarating ni Llegado ang mensahe niya sa fans sa maikling pananatili sa Bolivia.

Humingi siya ng panalangin para sa agarang kapayapaan sa Bolivia. Sinabi rin niya na habang wala pang kasiguruhan sa sasalihang pageant, pupunta muna siya sa kanyang mga kaanak sa Toronto upang makapiling pansamantala ang mga ito.

Larawan mula sa Reina Hispanoamericana

“For those who are asking, I will be in Toronto to spend meaningful time with my loved ones. Tuloy pa din ang Laban, FILIPINAS,” caption ni Llegado sa kanyang IG post.

Napasali ang Pilipinas sa Reina Hispanoamericana noong 2017 dahil nasakop naman daw ang Pilipinas ng 33 taon ng mga Espanyol kaya mayroong kultura at tradisyong Hispanic sa ating mga Pilipino.

Loading…