“Sana Mall!” Pangalan ng tindahan sa Aklan, kinaaliwan

  • Agaw–pansin at kinaaliwan ang pangalan ng isang tindahan sa Batan, Aklan
  • May pangalan itong “Sana Mall” o SM
  • Umani naman ito ng iba’t ibang positibong reaksyon mula sa netizens

Sabi nga, upang maging matagumpay ang isang negosyo, kinakailangang sa pangalan pa lamang ay agaw–pansin na ito. Isang hamon para sa sinumang negosyante na makaisip ng patok na pangalan ng kanilang negosyo upang dumami ang kaniyang mga suki, bukod pa mismo sa talagang kalidad ng kanilang produkto o serbisyong ibibigay sa mga konsumer.

Kaya naman, nakapukaw sa atensyon ng netizens ang nakatutuwang pangalan ng isang tindahan sa Batan, Aklan.

Ayon sa Facebook post ng “News 5”, kuha ang larawan sa isang Facebook user na may pseudonym na “JA N MAC”. Talagang “catchy” ang pangalan ng naturang tindahan na “Sana Mall”, na maaaring hango sa nauusong pahayag ngayon na “Sana All”, o maaaring nangangarap umano ang may–ari nito na maging ala-Mall ang kaniyang tindahan balang araw.

Imahe mula sa Facebook page ng News 5

Mapapansin sa larawan na kakaunti pa lamang ang mga paninda sa loob nito, at tila hindi pa maayos ang pagkakasalansan ng mga produkto. Kita rin ang mga sinampay na damit sa kisame nito. Subalit naghuhumiyaw naman ang pangalan nitong “Sana Mall” na kung paiikliin ay “SM”; isa sa mga sikat na supermalls sa bansa.

Umani naman ito ng positibong reaksyon mula sa netizens.

“Ang taong masikap may mararating, darating ang araw. Malay natin maging mall nga ito balang–araw.”

“Wow galing, hanga ako sa mga ganyan, nawa’y pagpalain ang inyong negosyo sa susunod po na post ninyo baka SM mall na po iyan, abangan ko po iyan.”

“Catching–catchy talaga, kapag hindi mo gets, ewan ko na lang.”

Samantala, may ilang netizens na nagbahagi rin ng iba pang mga nakatutuwang pangalan ng negosyo na kanilang naispatan sa kanilang lugar. Tulad na lamang ng “Isa–One” na isang sikat na isawan sa Sampaga, Batangas City, at “Jollikod” na isang karinderya at nasa likod ng sikat na fast food chain sa Albay.

Imahe mula sa Facebook page ng News 5

Patunay ito na mahalaga ang pagkakaroon ng pangalan dahil maaaring dito magmula ang kasikatan!

Loading…