Two-level underground parking iminungkahi para maibsan ang grabeng trapiko sa Baguio

  • Underground parking sa Baguio City muling iminungkahi
  • Ang proposed project ay tinitingnan bilang isa sa mga solusyon upang maibsan ang grabeng trapiko sa Baguio
  • Hanggang 2,000 vehicles ang kayang i-accommodate ng proposed underground parking

Isa sa dahilan sa paglala ng mabigat nang trapiko sa Baguio City ang kakulangan ng public parking spaces sa lungsod.

Screenshot mula sa video ng GMA

Isang miyembro ng local legislative body ng siyudad, si Councilor Michael L. Lawana, ang nagmungkahi na buhaying muli ang proposal ng mga eksperto na gumawa ng two-level underground parking sa ilalim ng Melvin Jones Football Field kapalit ng planong pagtatayo ng multi-level parking sa Ganza parking area, kasama ang Igorot Garden.

Ayon sa konsehal, noon pang panahon ng nakaraang administrasyon ni Baguio City Mayor Mauricio Domogan ipinanukala ang underground parking, subalit hinarang ito ng mga taong tutol sa proyekto na wala naman umanong ibinigay na alternatibong suhestyon kung paano malulutas ang matinding trapiko sa siyudad.

Apat na taon na ang nakararaan, isang grupo ang naglunsad ng petisyon sa Change.org upang harangin ang panukalang pagtatayo ng underground parking sa nasabing football field na bahagi ng Burnham Park, na deklaradong national historical site.

Nilinaw ni Councilor Lawana na ang Melvin Jones ay mananatiling football field at sports area para sa mga atleta dahil itataas iyon para pumantay sa Harrison Road upang bigyang-daan ang konstruksyon ng underground parking.

Imahe mula sa Cordillera SWA

Kumpleto umano ang proyekto sa mga engineering interventions upang hindi magkaroon ng serious negative impact sa environment at sa kaligtasan ng publiko na gagamit ng parking area.

Binigyang-diin niya na ang mga underground parking ay napatunayang epektibo sa ibang bansa katulad ng Singapore kung saan ang mga puno’t halaman ay nagko-co-exist sa parking area na walang negatibong epekto.

Ang planong two-level Melvin Jones Football Field underground parking ay kayang mag-accommodate ng hanggang 2,000 na sasakyan.

Loading…