Wow mali: Asukal sa isang supermarket, nakalagay sa brown sugar packaging kahit puti naman ang laman

  • Kinatutuwaan sa social media ngayon ang maling packaging ng asukal sa isang sikat na supermarket
  • Nakalagay kasi sa pakete na brown sugar kahit kitang-kitang puti naman ang laman nito
  • Kanya-kanyang teorya naman ang mga netizens tungkol sa wow mali na packaging 

Ayon sa pag-aaral ng mga eksperto, mas maganda raw sa kalusugan ang brown sugar kaysa sa white sugar. Napag-alamang mas maraming benepisyo ang pagkonsumo ng brown sugar o pulang asukal kung tawagin sa bansa, dahil mas mababa ang taglay nitong calorie at mas mayaman sa bitamina at mineral na kailangan ng katawan.

Kaya naman ang ilang Pilipino, mas pinipili nang bumili ng asukal na pula kaysa sa puti. Pero sa isang post sa social media, ang brown sugar sa isang sikat na supermarket ay naglalaman umano ng puting asukal.

Larawan mula sa Reddit user na si DaRealOctopus

Makikita sa Reddit post ni DaRealOctupus ang asukal na may tatak pa ng isang sikat na supermarket na nakalagay na brown sugar sa pekete nito. Pero kitang-kita sa transparent na plastic na puting asukal naman ang laman. Biro tuloy ng Reddit user, kaya raw ayaw niyang mamili sa nasabing supermarket dahil sa mali-mali nitong packaging.

Idinaan na lamang ng maraming netizens sa Reddit sa biro ang larawan. Mayroong mga nagsasabing bagong baryant daw ito ng asukal mula sa supermarket. Kulay puti lamang daw ito pero asukal na pula na kapag inihalo sa inumin.

May mga netizens namang nagsabi na baka raw nag-gluta iyong asukal kaya naman pumuti ito at hindi na brown ang kulay. Pero kahit naman daw puti na ang kulay eh baka naman daw parehong benepisyo pa rin ang makukuha rito.

May isang Reddit user naman na iniugnay pa ang brown sugar sa kalayaang pumili ng nais nitong itawag sa kanya. Hayaan na raw natin ang puting asukal na kilalanin bilang brown sugar dahil iyon ang gusto niya.

Larawan mula sa Pexels

“This sugar identifies as brown. I think we should give it the freedom to do just that. Let’s not be shackled by outdated notions that only brown sugars can be brown. White sugars are brown sugars too,” sabi ng isang Reddit user.

Sinasabing mas maganda sa kalusugan ang brown sugar. May taglay daw itong 380 calories, 9 milligrams ng magnesium, 83 milligrams ng calcium, at 133 milligrams ng potassium kada 100 grams. Mas masarap din daw ang lasa nito kumpara sa puting asukal.

Loading…