2,000 Estero Rangers ipakakalat ng DENR laban sa walang habas na pagtatapon ng basura sa mga estero

  • Estero Rangers ipakakalat ng DENR sa mga barangay na may mga eskinitang malapit sa estero
  • Dalawang Estero Ranger ang maghahakot ng basura sa mga eskinitang hindi napapasok ng garbage truck
  • P8,500 kada buwan ang suweldo ng mga Estero Rangers

Magpapakalat ng hanggang dalawang libong (2,000) Estero Rangers ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga local government units sa Metro Manila upang magbantay laban sa iresponsableng pagtatapon ng mga basura sa mga daluyan ng tubig.

Imahe mula sa Beyond Deadlines

Target din ng DENR na mapahusay ang garbage collection sa tulong ng mga Estero Rangers.

Kamakailan lang ay pinulong ni DENR Secretary Roy Cimatu ang mga senior officials ng ahensya at itinalaga sila bilang “river commanders” na mangangasiwa sa rehabilitation activities sa ilalim ng “Battle for Manila Bay” program.

“We would like to impress upon the public that we really need to overhaul the disposal system in Metro Manila, make it efficient and for the public to stop dumping trash into our waterways,”  ani Sec. Cimatu na siyang namumuno sa Inter-agency Manila Bay Task Force.

Ayon kay Sec. Cimatu, dalawang Estero Rangers ang inisyal na itatalaga sa 711 barangays kung saan may mga eskinitang malapit sa estero at hindi napapasok ng mga garbage trucks.

May posibilidad na itaas ang bilang nila sa 2,000 upang gawing apat na Estero Rangers ang itatalaga sa bawat barangay.

Kalimitan umano ng mga eskinitang nabanggit ay pinaninirahan ng mga informal settler families. Kadalasan ay walang kumukolekta ng kanilang basura kaya walang puknat ang pagtatapon nila sa mga estero.

Screenshot mula sa DENR video

Ang mga Estero Rangers ay i-i-endorso ng kanilang barangay officials sa pakikipagkoordinasyon sa Department of Interior and Local Government.

Sa ilalim ng kanilang kontrata, ang bawat Estero Ranger ay makatatanggap ng buwang sahod na P8,500 sa kanilang 5-day work week schedule kung kailan magsasagawa sila ng pagtatanggal ng mga basura sa estero at house-to-house garbage collection. Ang mga basurang nakuha ay dadalhin nila sa isang pick-up point na naaabot ng garbage truck.

Sisimulan ang deployment ng mga Estero Rangers sa ika-15 ng Nobyembre, 2019.

Loading…