368 na pulis itinalaga sa New Bilibid Prison pinagbawalang makipag-usap sa mga inmates

  • 368 police officers mula sa Regional Mobile Force Battalion ng NCRPO ang itinalaga sa Bilibid
  • Ang mga pulis ay ilalagay sa ilalim ng full operational control ni BuCor chief Dir. Gen. Gerald Bantag
  • Mahigpit na pinagbawalan ang mga pulis na makipag-usap sa mga inmates

Sa gitna ng ginagawang paglilinis laban sa mga tiwaling jail guards New Bilibid Prison, idineploy ang 368 police officers mula sa Regional Mobile Force Battalion ng National Capital Region Police Office (NCRPO) upang tumulong sa pagbabantay sa maximum security compound ng piitan.

Imahe mula sa NCRPO

Sa send-off ceremony na isinagawa noong ika-10 ng Nobyembre sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City, sinabi ni NCRPO chief Brigadier General Debold Sinas na ang 368 police officers ay ilalagay sa ilalim ng full operational control ng Bureau of Corrections chief na si Director General Gerald Bantag.

Ito ay upang hindi na muling maulit ang kaso ng 18 pulis na inakusahang nagpasok ng mga kontrabando sa loob ng Bilibid noong nakaraang buwan. Dahil sa nasabing akusasyon ay inalis ni Brig. Gen. Sinas ang 551 police officers na nakatalaga sa Bilibid.

Ang apat sa 18 na pulis na inakusahan ay napatunayang nagkasala sa pagpasok ng alak at tabako at kasalukuyang sumasailalim sa summary dismissal proceedings. Samantala, ang 14 iba pa ay naibalik sa kani-kanilang units matapos mapatunayang walang kasalanan.

Mahigpit na binilinan ni Brig. Gen. Sinas ang mga bagong pulis na itatalaga sa Bilibid na palaging magsuot ng proper uniform na prescribed ng Philippine National Police.

Imahe mula sa NCRPO RMFB

Pinagbawalan din sila na magsuot ng anumang uri ng alahas at magdala ng anumang electronic gadgets gaya ng cellphone habang naka-duty mula alas-sais ng umaga hanggang alas-sais ng gabi.

Higit sa lahat, bawal makipag-usap ang mga pulis sa mga bilanggo maliban na lang kapag hinihingi ng pagkakataon.

 

Loading…