Abandonadong Spanish-era underground water reservoir sa San Juan City gagawing tourist destination

  • Ang underground water reservoir na ginawa ng mga Kastila noong 1882 ay bubuksan sa publiko sa 2020
  • Ang imbakan ng tubig na tinawag na El Deposito ay isang makasaysayang lugar
  • Malaki ang potensyal ng El Deposito na maging top tourist attraction sa bansa

Sa taong 2020 ay bubuksan sa publiko bilang isang tourist destination — ang luma at abandonadong underground water reservoir na ginawa noon pang panahon ng mga Kastila taong 1882.

Screenshot mula sa video ng Manila Bulletin

Ang imbakan ng tubig na tinawag na El Deposito ang kauna-unahang water reservoir ng bansa. Noong mga panahong iyon, sa El Deposito nanggagaling ang tubig para sa mga residente ng Maynila. Itinayo iyon sa mataas na bahagi ng noon ay San Juan Del Monte, na San Juan City na ngayon.

Makasaysayan ang El Deposito. Dito naganap ang isa sa mga unang sagupaan sa pagitan ng mga Katipunero at mga sundalong Espanyol noong 1896 nang ipag-utos ni Andres Bonifacio na salakayin  ang El Polvorin, ang imbakan ng mga pulbura’t armas ng mga Kastila.

Sa El Deposito nagkanlong ang mga sundalong Espanyol sa pagsalakay ng mga Katipunero. Bagaman mas marami ang bilang ng mga Katipunero, nagapi sila ng mga Kastila. Ang lugar ng sagupaan ang tinatawag ngayong Pinaglabanan sa San Juan City.

Ang El Deposito ay ginawang army headquarters ng mga Amerikano noong 1903. At noong WWII, ginamit iyon ng mga Hapones bilang imbakan ng kanilang mg armas at ginawang firing range.

Imahe mula sa AFP

Hindi na muling nagamit ang El Deposito pagkatapos ng mga digmaan. Naging tambakan na lang iyon ng mga basura at tirahan ng mga informal dwellers.

Ayon kay San Juan Mayor Francis Zamora, nagsimula ang restorasyon ng El Deposito noong 2016 nang magsagawa ng assessment at excavation doon ang University of the Philippines Archaeological Studies. Makalipas ang dalawang taon, nagsagawa naman ng paglilinis ang National Historical Commission of the Philippines.

Malaki ang potensyal ng El Deposito na maging top tourist attraction sa bansa, ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.

“Once complete, people can go down and walk inside and view the aqueducts. It will allow people to go back in time,” anang kalihim.

Imahe mula sa AnimoCIV 

Loading…