ADMU at UST FB pages, nagpakita ng sportsmanship matapos ang UAAP Men’s Basketball Finals

  • Nagpakita ng sportsmanship ang ADMU at UST matapos magharap sa UAAP Finals
  • Nagpaabot sila ng mensahe ng paghanga sa kani-kanilang Facebook pages
  • Ikinatuwa naman ng fans ng dalawang koponan ang mahusay na pagsasamahan ng dalawang unibersidad

Tila may bagong ‘rivalry’ sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP). Matapos kasing magharap ang kanilang mga koponan sa women’s volleyball noong season 81, pinag-usapan din ang naging harapan ng Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles at University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers sa finals ng men’s basketball.

Ngunit ang rivalry na ito ay nagpakita ng magandang halimbawa ng sportsmanship. Pagkatapos kasi ng finals match kung saan ang Blue Eagles ang itinanghal na kampeon, nagpaabot ng kanya-kanyang mensahe ng pasasalamat ang magkabilang koponan sa bawat isa.

Larawan mula sa Facebook page ng UST

Nagbigay-pugay ang runners up na UST Growling Tigers sa kampeon na Ateneo sa pamamagitan ng isang larawan kung saan makikita ang mga salitang “Salamat, Ateneo!” na mayroong asul na background. Sinabi rin ng caption na ang magandang laro ay nagbubunga raw ng mahusay na pagpapakita mula sa mga manlalaro.

“Great games bring out the best in everyone. Thank you and congratulations, Ateneo de Manila University! For the greater glory of God, the source of Unending Grace!” post ng UST Facebook page na umani ng 12,000 reactions at 1,700 shares.

Nagpakita rin ng paghanga ang ADMU sa magandang performance na ipinakita ng UST ngayong season. Hindi maikakaila na ang UST ang isa sa mga koponan na gumulat sa maraming manonood ngayong taon dahil sa ilang knockout matches na kinaharap nila. Kinailangan muna nilang talunin ang Far Eastern University (FEU) ng isang beses at dalawang ulit naman ang University of the Philippines (UP) upang makapasok sa finals.

“That was a great game. Thank you, UST,” ayon sa post ng ADMU Facebook page na umani naman ng 13,000 reactions at 3,000 shares. Nakamit ng ADMU ang clean sweep sa season 82 na mayroong 16-0 win-loss record.

Larawan mula sa Facebook page ng ADMU

Matatandaan na noong Mayo lamang ay nagharap din ang women’s volleyball team ng dalawang unibersidad kung saan ADMU din ang itinanghal na kampeon. Gayunpaman, naging masaya naman ang awarding nang magyakapan ang graduating players ng UST at ADMU na sina Sisi Rondina at Maddie Madayag matapos ang awarding.

Nag-viral din sa social media ang masaya nilang selebrasyon kung saan nag-tumbling pa sina Madayag at Rondina na ikinatuwa ng mga fans. Patunay daw ito na kahit gaano kahigpit ang labanan sa loob ng court, ay isinasantabi ito matapos ang laro.

Loading…