Advance mag-isip: Ninong, lumpiang shanghai ang dala sa simbahan imbes na kandila sa binyag

  • Trending ngayon sa Facebook ang pagdadala ng lumpia ng isang ninong sa simbahan
  • Pagdating naman sa reception, binantayan agad ng ninong ang tray ng lumpia upang hindi maunahan ng ibang bisita
  • Natawag naman daw siyang lumpia diva dahil nakita ng mga kasama niya sa binyag na may lumpia siya sa bulsa

Biruan ngayon ng mga madalas maimbita bilang ninong at ninang sa binyag ay hindi dapat sila mawalan o maubusan ng lumpiang shanghai dahil paniguradong walang pakimkim ang batang inaanak nila. Para kasi sa maraming bisita, “lumpia is life” kaya naman tila may kompetisyon kapag oras na ng kainan sa reception.

Pero advance mag-isip ang isang ninong dahil ginagawa pa lamang ang binyag sa simbahan ay mayroon na siyang dalang lumpia. Ito nga ang nagmistulang simbolo ng kanyang pagtanggap ng responsibilidad bilang ninong ng bata dahil imbes na kandila, lumpia ang bitbit niya.

Larawan mula sa Facebook account ni Meynard Tobi Gutierrez

Ibinahagi ng netizen na si Meynard Tobi Gutierrez ang larawan niya sa simbahan kasama ang iba pang ninang na mayroong dalang kandila habang siya ay lumpiang shanghai ang bitbit. Halos kahugis nga naman ng lumpia ang kandila kaya keri na raw itong pamalit. At least daw ay hindi siya mauubusan.

“Sila kandila pa lang, ako shanghai na agad,” pagmamalaki ni Gutierrez sa kanyang post na sa kasalukuyan ay mayroon nang higit 15,000 reactions, 700 comments, at 13,000 shares sa Facebook.

Maraming netizen ang tuwang-tuwa sa paandar ng ninong. Magandang ideya raw ito upang hindi maubusan ng lumpia, lalo na sa mga imbitado na pumupunta muna sa venue bago magtungo sa simbahan kasabay ang iba pang ninong at ninang.

Pero hindi natatapos sa shanghai sa simbahan ang paandar ni Gutierrez. Dahil pagdating sa reception, nagmistulan naman silang ‘guardians of shanghai’ dahil binantayan nila ang isang tray ng lumpia. Biro niya, mahirap na raw baka maunahan pa sila ng ibang bisita sa pagkuha ng lumpia.

Larawan mula sa Facebook account ni Meynard Tobi Gutierrez

“The Shanghai Guardians! Mahirap na baka maunahan pa. Ang kumuha magsasauli agad ng kandila,” biro ni Gutierrez sa kanyang caption kasama ang larawan na mistulang binibilang niya ang bawat piraso ng lumpia sa tray.

Nabansagan din umano siyang ‘The Shanghai Diva’ dahil nung kumakanta siya sa videoke, natuklasan ng ibang dumalo sa binyag na marami siyang lumpia sa bulsa. LOL

Loading…