Aginaldo ni ninong: Tuklasin ang “isang libong payo” na regalo ng isang ninong sa kanyang inaanak

  • Mayroong kakaibang regalo ang isang ninong sa kanyang 30 anyos na inaanak
  • Binigyan niya ito ng printed na isang libong piso na may mensahe sa dulo
  • Maraming netizens naman ang nakakuha ng ideya sa regalo ng ninong na iyon

Tuwing sasapit ang Pasko, maliban sa mga pagkain at pagtitipon, maraming mga inaanak ang naghihintay ng regalo mula sa kanilang mga ninong at ninang. At ang mga ninong at ninang naman ay naglalaan talaga ng panahon at salapi para naman mapasaya ang kanilang mga minamahal na inaanak.

Ngunit isang ninong ang may kakaibang regalo sa kanyang inaanak. Inupload sa social media ang tinaguriang “isang libong payo” ng isang netizen na regalo ng isang ninong sa kanyang inaanak na matagal na raw namamasko.

Larawan mula sa Facebook post ni Jarynil Lao Burlado

Pinost ng netizen na si Jarynil Lao Burlado ang larawan ng isang ang pao na mayroong nakausling 1000 piso. Pero kapag hinatak ang papel sa loob ng lagayan, hindi pala ito totoong isang libong piso kung hindi isang mensahe sa inaanak. Hindi buo ang pagkakaimprenta sa pera at sa kalahating bahagi nakalathala ang mensahe ng ninong sa kanyang 30 anyos na inaanak.

Ayon sa mensahe ni Ninong, 30 taon na raw namamasko ang kanyang inaanak kaya naman panahon na upang magtrabaho naman ito. Pero hindi naman nalimutan ng ninong na magbigay ng pagbati ng Merry Christmas sa kanyang inaanak.

“Magtrabaho ka! 30 years ka nang namamasko. Merry Christmas! Love, Ninong,” ayon sa pamasko ni Ninong na tinagurian ng mga netizens na “isang libong payo.”

Dahil sa kakaibang ideya ng ninong, umani agad ng maraming likes at shares ang post na ito ni Burlado. Mayroong higit 2,200 reactions na karamihan ay ‘haha’ at mayroong 4,600 shares. Natuwa naman ang ilang netizens sa regalo ni ninong at nais daw nilang gawin sa mga inaanak na namamasko pa kahit may edad na.

Larawan mula sa Facebook post ni Jarynil Lao Burlado

“Bright idea. Magawa ko nga to sa inaanak kong ‘di nagtatrabaho pero namamasko. Hahaha. May sarili na rin inaanak, namamasko pa,” sabi ng isang netizen na tila may hinanakit pa yata sa kanyang inaanak.

May mga netizens naman na binigyang-linaw ang kanilang edad at wala pa naman daw silang trenta anyos kaya puwedeng-puwede pa ring mamasko sa kanilang mga ninong at ninang. Wala pa rin daw silang trabaho kaya naman umaasa pa rin sa aginaldo.

Loading…