“Ang totoong sining” itinampok ng isang netizen

  • Hinangaan ang mga pinta sa poste ng LRT 2
  • Ito raw ang tunay na sining
  • Matatagpuan ang mga artwork sa Nagtahan Bridge sa Maynila

Kamakailan lamang ay naging mainit na usapin ang pagsusulat ng ilang mga militanteng grupo sa mga pader at establisyimiento sa Maynila, na nagbunsod sa mga tao na pagtalunan kung ito ba ay isang kalayaan ng pagpapahayag ng damdamin, o kaya naman ay bandalismo lamang.

Kaya naman, itinampok ng isang netizen sa Facebook page na “Memories of Old Manila” ang larawan ng isang lugar sa Maynila kung saan makikita umano ang “totoong sining”.

Batay sa Facebook post, napipintahan ng mga revolutionary heroes noong bago pa man ang pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas, ang dalawang poste ng LRT 2 sa pagitan ng Pureza at Legarda station.

“Ito ang Totoong Sining! Kudos sa Artist!”

Imahe mula sa The Culture Trip

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa netizens.

“Mas maganda iyan ang nakapaskil kaysa kung ano-ano. Para maalala natin mga Pilipino ang ating mga bayani.”

“Sa Nagtahan Flyover matatagpuan iyan. A project of The National Commission for Culture and the Arts. Mas okay namang pagmasdan ang mga ganiyan kaysa sa mga vandalism.”

“Okay naman. Ayoko lang na galit ang mga mukha. Sana mukhang magiting at matapang pero may dignidad at kalmado lang.”

“Maganda, artistic, kaya lang, pwede naman siguro yung hindi galit ang mga mukha. Seryosong warrior, kung hindi man nakangiti. Sa ibang poste naman siguro ay yung mga magbubukid o magandang mukha ng Filipina ang naka– pinta. Mabuhay ka Yorme.”

Makikita sa naturang poste si Rajah Sulayman, ang datu ng Maynila noong bago pa man ang pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas, gayundin ang isang gerilya noong panahon naman ng Hapon. Naisama ito sa sampung pinakamagagandang lugar sa Metro Manila na may pintang sining ayon sa “The Culture Trip”.

Ilan pa sa mga ito ay matatagpuan sa College of Fine Arts sa UP Diliman, Goodfriend Bridge sa Marikina, MacArthur Highway sa Valenzuela, Fort Bonifacio, The Collective sa Makati, sa Taft Avenue, at sa ilang mga pader sa Intramuros.

Public Domain Image

Loading…