Angeline Quinto, pinagtanggol ang failed whistle ng The Clash contestant na si Jennifer Maravilla

  • To the rescue si Angeline Quinto sa mga bumabatikos sa The Clash contestant na si Jennifer Maravilla
  • Ayon kay Angeline, huwag na raw sanang pagtawanan si Jennifer dahil wala naman daw perpekto
  • Hindi kasi naabot ni Jennifer ang whistle note sa kanyang performance sa The Clash

Trending nitong mga nakaraang araw ang The Clash contender na si Jennifer Maravilla dahil sa palyado niyang whistle sa isang performance. Naging dahilan din ito para mapunta siya sa bottom 2 ng kompetisyon pero nakabawi naman sa kanyang survival song.

Gayunman, maraming netizens ang tila pinagkakatuwaan ang naging performance ni Jennifer. Binigyan niya kasi ng kakaibang twist ang awitin ng Ex-Battalion na ‘Hayaan Mo Sila.’ Naging maayos ang performance ni Jennifer hanggang dumating sa climax ng kanyang pag-awit.

Larawan mula sa Twitter account ni Angeline Quinto

Hindi niya nagawa nang maayos ang ‘Mariah note’ o whistle na ikinagulat ng mga hurado, hosts, at kapuwa contestant. Nagpaliwanag naman si Jennifer sa kanyang Instagram account na noong rehearsals naman daw ay abot pa niya ang nota. Ipinasilip pa ng GMA News ang video niya sa rehearsals.

Pero sa mismong oras ng performance, tila nagbago raw ang boses niya. Ilang araw matapos ang performance, sinusubukan ni Jennifer na mag-whistle pero talagang ‘basag’ pa ang kanyang boses.

Kahit nagpaliwanag na, patuloy pa rin ang mga batikos kay Jennifer sa social media. Dahil dito, naisipan ng Queen of teleserye theme songs at Kapamilya birit queen na si Angeline Quinto na magbigay ng mensahe sa mga nangungutya rito.

Hindi man personal na magkakilala, sinabi ni Angeline na sana raw ay huwag nang pagtawanan si Jennifer dahil sigurado naman itong naghanda pero nangyari ang hindi inaasahan. Wala naman daw perpektong tao sa mundo at lahat tayo ay nagkakamali.

“Yung isang contestant sa kabilang network, ang dami kong hindi magandang naririnig at yung iba pinagtatawanan pa. Sana wag ganun. Hindi n’yo rin alam ang paghahandang ginawa nung tao. Sadyang walang perpekto sa mundo. Walang taong hindi nagkamali,” tweet ni Angeline.

Larawan mula sa Instagram account ni Jennifer Maravilla

Marami namang followers ang humanga sa ginawang ito ni Angeline. Marami rin ang sumang-ayon sa kanya na hindi dapat pagtawanan si Jennifer lalo na’t contestant pa ito. Marami pa raw pagkakataong bumawi ang aspiring singer sa kompetisyon.

Matatandaang beterana na rin si Angeline sa singing contests bago nakamit ang tagumpay. Sumali siya sa ‘Star For a Night’ kung saan si Sarah Geronimo ang nagwagi. Nakuha ni Angeline ang kanyang big break sa Star Power na isang singing search sa pangunguna ni Megastar Sharon Cuneta.

Loading…