Asylum application ng Iranian beauty queen aprubado na ng DOJ

  • Iranian beauty queen binigyan ng DOJ ng refugee status matapos humiling ng asylum sa bansa
  • Na-hold ng mahigit isang linggo ang beauty queen sa NAIA dahil sa red notice mula sa Interpol
  • Dahil sa pangambang ideport ay humiling ng asylum ang beauty queen

Ipinagkaloob na ng Pilipinas ang refugee status sa Iranian beauty queen matapos itong humiling ng asylum dito sa bansa.

Imahe mula sa Facebook account ni Bahareh Z. Bahari

Si Bahareh Zare Bahari, ang kinatawan ng bansang Iran sa Miss Intercontinental 2018 pageant na ginanap sa Maynila, ay humiling ng asylum sa bansa dahil nangangamba umano ito sa kanyang seguridad kapag idineport sa kanilang bansa dahil sa paglabag umano sa kanilang tradisyon at sa pagsusulong ng kapakanan ng mga kababaihan.

Matatandaang hinarang ang beauty queen sa Ninoy Aquino International Airport noong October 16, 2019 galing sa Dubai dahil sa red notice mula sa International Criminal Police Organization (Interpol) matapos siyang itinimbre ng Iranian Embassy na isa umanong aktibista sa kanilang bayan. Nanakit din umano siya ng kapwa Iranian.

Mariing itinanggi ni Bahari ang mga akusasyon at nagpasyang mag-apply ng asylum sa Pilipinas.

Sa desisyon ng Department of Justice o “notice of recognition” na may petsang Nobyembre 6, 2019  si Bahari ay kinilala bilang isang refugee sa ilalim ng “1951 Convention Relating to the Status of Refugees and its 1967 Protocol.”

Imahe mula sa Facebook account ni Bahareh Z. Bahari

Dahil sa humanitarian grounds, binawi na rin ng Bureau of Immigration ang inilabas nitong exclusion order laban sa Iranian beauty queen. Ang exclusion order ay ang pagtanggi ng bansa na papasukin sa teritoryo ang isang banyaga.

Matapos kilalanin, libre na siya sa pagbabayad ng alien registration form at immigration fees.

Bibigyan siya ng DOJ ng Certification for Exemption on Alien Work Permit mula sa Department of Labor and Employment kung nais niyang magtrabaho. Irerekomenda rin ng Refugees and Stateless Persons Protection Unit ng DOJ sa Department of Foreign Affairs na mabigyan siya ng travel documents kung kakailanganin.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Bahari na sa kabila ng pagbibigay sa kanya ng refugee status sa Pilipinas ay mayroon pa rin siyang nararamdamang pangamba sa kanyang seguridad.

Screenshot ng Facebook post ni Bahari

Loading…