Baeby Baste ng ‘Eat Bulaga,’ Hall of Famer na sa ComGuild Awards dahil sa kanyang endorsements

  • Sa murang edad, isang Hall of Famer na ang pitong taong gulang na si Baeby Baste
  • Itinanghal siyang Hall of Famer ng ComGuild awards bilang isang mahusay na batang endorser
  • Nagpasalamat naman si Baeby Baste sa lahat ng sumuporta sa kanya

“Hangga’t may bata, may Eat Bulaga.” Ito ang motto ng longest running noontime show sa bansa na ‘Eat Bulaga.’ Madalas kasing bida sa kanilang mga palaro at patimpalak ang talento at galing ng mga kabataan. Sa katunayan, marami na rin silang nadiskubreng mga child stars na talaga namang sumikat at hanggang ngayon ay kinikilala pa rin sa industriya.

Isa sa mga pinasikat at patuloy na napapanood sa Eat Bulaga ay si Baste Granfon o mas kilala bilang si Baeby Baste. Siya man ang pinakabatang host ng programa sa kasalukuyan, patuloy naman niyang pinatutunayan na karapat-dapat siya sa atensiyon at big break na ibinibigay sa kanya ng Eat Bulaga at Kapus0 Network.

Larawan mula sa Instagram account ni Baste Granfon

Isa sa mga pinakabagong achievement ng 7-anyos na Dabarkad ay ang pagkakahirang niya sa Hall of Fame ng prestihiyosong ComGuild Media Awards dahil sa tatlong sunod-sunod na taong pagkakapanalo sa kategoryang Most Loved Child Endorser.

Unang nakamit ni Baste ang kanyang award bilang isang endorser mula sa ComGuild noong 2016 na nagsunod-sunod na dahil sa kanyang maraming ineendorsong produkto.

Malugod na tinanggap ni Baste ang kanyang award na in-upload sa kanyang official Instagram account na mina-manage ng kanyang ina na si Mommy Sheila. Nagpasalamat si Baste sa lahat ng sumusuporta sa kanya, partikular ang mga estudyante at miyembro ng academe na patuloy na bumoboto sa kanya upang taon-taon ay mag-uwi siya ng award mula sa ComGuild.

“Ang masasabi ko po, sobra-sobrang happy ko po kasi pang-third time ko na po mag-award dito sa ComGuild. Thank you po kasi palagi n’yo po akong sinu-support, sana huwag po kayong magsawa,” pahayag ni Baste.

Proud na proud rin ang mga Dabarkads ni Baste sa Eat Bulaga. Sa pamamagitan ng kanilang Facebook page ay nagpaabot sila ng pagbati sa cute na cute nilang host. Napasama si Baste sa Eat Bulaga noong 2015, kung saan sinasabing siya ang batang version ni Alden Richards.

Larawan mula sa Instagram account ni Baste Granfon

Sa murang edad, punong-puno na ng achievement si Baste. Maliban sa Hall of Fame award ng ComGuiid, nanalo na rin siya bilang Best New Male TV Personality sa PMPC Star Awards for TV, Best Child Performer sa Metro Manila Film Festival at Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation Box-Office Entertainment Awards.

Ang ComGuild Media Awards ay isang taunang event kung saan kinikilala ang husay ng mga TV at radio personalities na pinagbobotohan ng mga mag-aaral mula sa halos 70 na paaralang kasapi nito.

Paano ba siya nagsimula sa  showbiz? Panoorin:

Loading…