Bagoong sorbet? Ice cream na green mango ang flavor, mas ginagawa raw malinamnam ng bagoong

  • Trending ngayon sa social media ang kakaibang flavor ng ice cream na green mango topped with bagoong
  • Ayon sa mga nakatikim, para ka raw talagang kumakain ng manggang hilaw at may bagoong
  • Matatagpuan ang green mango sorbet with bagoong alamang sa isang mall sa Mandaluyong

Mahilig ang mga Pilipino sa mga pagkaing magkakapares. Nariyan ang all-time favorite almusal na kape at pandesal. Ultimate comfort food rin ng marami lalo na kapag malamig ang panahon ang lugaw at tokwa. At sino ba namang nakatitiis sa kombinasyon ng puto at dinuguan na nakahiligang ulam at meryenda.

Hindi rin malilimot ang magkakontrang lasa ngunit swak na swak sa isa’t isa na hilaw o berdeng mangga at bagoong alamang. Ang maasim na lasa ng hilaw na mangga ay lalong sumasarap kapag isinasawsaw sa maalat at malinamnam na lasa ng ginisang bagoong alamang, na pwede ring gawing maanghang.

Larawan mula sa Sebastian’s

At ngayon naman, isang inobasyon ang ginawa sa kombinasyon ng mangga at bagoong. Hindi na lamang ito matitikman sa mga kanto at tusok-tusok. Matatagpuan na rin ito sa mga mall at isa nang sosyal na uri ng panghimagas.

Inihahain ngayon sa isang ice cream store sa Mandaluyong City ang kakaibang sorbet flavor—green mango na mayroong toppings na bagoong alamang. Trending ngayon sa social media ang ilang larawan ng green mango ice cream ng Sebastian’s ice cream shop dahil sa maalat pero Pinoy favorite na toppings nito, ang bagoong.

Ayon sa isang ulat ng GMA News, patok ngayon sa Sebastian’s ang green mango ice cream dahil sa masarap na kombinasyon, at dahil na rin sa curiosity ng mga foodies na dumadalaw sa kanilang shop. Ang kanilang green mango ice cream kasi ay kuhang-kuha raw ang lasa at asim ng tunay na hilaw na mangga.

Dahil sa asim, bagay na bagay raw ang tunay na bagoong alamang na inilalagay sa ibabaw ng ice cream. Paglalarawan ng mga nakatikim na ng green mango ice cream with bagoong, para ka raw talagang kumakain ng hilaw na mangga at isinasawsaw sa ginisang bagoong alamang.

Larawan mula sa YouTube

Maraming netizens din ang nagpapatunay sa sarap ng kakaibang panghimagas na ito. Ayon sa kanila, kakaiba at weird man daw sa paningin at pandinig na may bagoong ang ice cream, pero kapag natikman daw ito ay mawawala ang alinlangan dahil sa masarap na lasa.

May ilang suki naman ng Sebastian’s na nagsasabing matagal na raw ang kanilang green mango sorbet with bagoong ngunit ngayon lamang nag-trending sa social media. Huli man, masaya naman ang fans ng ice cream flavor na ito dahil mas marami na ang makatitikim.

Loading…