Balikan: “Posible” ng Rivermaya, theme song ng Southeast Asian Games 2005 sa Pilipinas

  • Na-LSS ang mga Pilipino sa 2005 SEA Games theme song na ‘Posible’ na inawit ng bandang Rivermaya
  • Marami ang humanga sa positibong mensahe ng kanta na hindi lamang para sa mga atleta
  • Gayunman, may mga kontrobersya ring hinarap ang kanta at ang mga bumubuo rito

Likas na mahilig sa musika ang mga Pilipino. Kaya naman sa mga mahahalagang okasyon ay hindi nawawala ang kantahan at musika. Kahit nga sa mga mahahalagang kaganapan sa Pilipinas ay nilalapatan din ng musika, katulad ng ginawang hosting ng bansa sa 2005 Southeast Asian (SEA) Games.

Maraming Pilipino ang na-LSS sa official theme song ng 2005 SEA Games sa Maynila na ‘Posible’ na inawit ng bandang Rivermaya. Noong mga panahong iyon, ang bokalista pa ng banda ay ang solo performer at aktor na ngayong si Rico Blanco. Siya rin ang nagsilbing kompositor ng official theme song ng SEA Games noon.

Larawan mula sa Wikipedia

Naging patok para sa marami ang awitin dahil sa positibo nitong mensahe na hindi lamang akma para sa mga atleta, kundi pati na rin sa lahat ng may mga pinagdaraanang suliranin.

Itinanghal ito ng Rivermaya kasama ang San Miguel Philharmonic Orchestra sa opening ng SEA Games 2005 sa Quirino Grandstand upang himukin at palakasin ang loob ng mga atleta na makapag-uwi ng karangalan para sa bansa.

“Sulong laban, ‘wag uurong… Posible,” isa sa mga sikat na linya sa kanta na nagsilbing inspirasyon sa marami. At mukhang naging epektibo ang mensahe ng ‘Posible’ dahil naging posible nga ang pag-uuwi ng Pilipinas ng over-all championship ng 2005 SEA Games na nagkamit ng 112 na gintong medalya, 85 na silver, at 93 na bronze.

Napasama rin sa iba’t ibang song charts sa radyo at telebisyon ang kantang Posible. Matapos ang SEA Games, patuloy na naging paboritong awitin ang ‘Posible’ ng Rivermaya. Kadalasan itong ginagamit bilang graduation song sa mga paaralan.

Larawan mula sa Instagram account ni Rico Blanco

Ngunit hindi rin nakaiwas sa kontrobersya ang kanta ilang taon matapos itong ilunsad. Noong 2010 presidential elections campaign period, ginamit ng kandidato sa pagkapangulo na si Gilbert ‘Gibo’ Teodoro sa kanyang ads ang kantang Posible.

Umalma si Blanco kasama ang kanyang music label na Warner Music Philippines na hindi umano awtorisado ang paggamit ni Teodoro sa awitin ni Blanco. Hindi rin umano ineendorso ni Blanco si Teodoro kaya naman hindi niya pinahihintulutan ang noon ay kandidato sa pagpapalabas ng ads na ginagamit ang ‘Posible.’

Giit naman ng kampo ni Teodoro, nagbayad raw sila at mayroon pang mga dokumentong pinirmahan sa publisher ng kanta na si Lizza Nakpil. Alam naman daw ng gumawa ng ad na si Dennis Garcia ang tungkol sa Intellectual Property Rights (IPR) kaya sumunod raw sila sa protocol.

Muling pakinggan:

Loading…