Barya lang po sa umaga: Lalaki sinuklian ng puro barya nang magbayad ng 500 pesos sa jeep

  • May isang nakatatawang karanasan ang netizen na nagbayad ng 500 pesos sa jeep
  • Sinuklian kasi ang 500 pesos niya ng jeepney driver ng puro barya
  • Maraming netizens naman ang naaliw at natuto sa karanasang ito ng netizen

Hindi na bago para sa mga Pilipino ang paalala na “barya lang po sa umaga.” Kailangan kasi na barya lamang ang ibayad sa mga sinasakyang pampublikong sasakyan gaya ng jeep, tricycle, o bus upang hindi na maabala sa pagsusukli. Karaniwan kasing wala pang sapat na perang panukli ang mga tsuper at konduktor sa mga pasahero.

Pero hindi inaasahan ng isang netizen na handa ang masasakyan niyang jeep at siya ang mas mapaperwisyo sa pagbabayad ng buong pera. Ayon sa post ni Jhony Bandiwan Jr., puro barya raw ang isinukli sa kanya nang magbayad siya ng 500 pesos sa jeep.

Larawan mula sa Facebook account ni Jhony Bandiwan Jr.

Akala raw niya ay makalulusot na siya at nagbabakasakaling hindi na pagbayarin pa ng drayber dahil sa laki ng kanyang pera. Ngunit hindi niya inaasahan na mas handa pala ang drayber ng sinasakyang jeep at mayroong panukli sa 500. Hindi nga lamang ito perang papel kung hindi puro barya.

“Nagbayad ako ng 500 sa jeep. Akala ko makakalusot eh. Marami pala siyang coins,” pahayag ni Bandiwan sa kanyang Facebook post na umabot na sa 4,200 reactions, 131 comments, at halos 7,000 shares habang isinusulat ang balitang ito.

Tuwang-tuwa naman ang netizens sa kakaibang karanasang ito ni Bandiwan. Ayon sa iba, isang aral na ito para sa kanila na mas maganda talagang magdala ng barya lalo na kung mababa lamang ang pamasaheng babayaran upang hindi na maabala.

Stock photo

Ang ilang netizens naman ay hindi maiwasang gawing katatawanan ang kaganapang ito kay Bandiwan. Sabi ng isang netizen, napakabigat daw sa bulsa ng baryang naisukli sa kanya. Malas na lamang daw kung maluwag ang suot na shorts at wala pang belt.

Hirit naman ng isang netizen, nabalikan daw ng karma si Bandiwan dahil siya ngayon ang maaabala. Bukod sa mabigat na ito sa bulsa, eh mahihirapan pa siyang bilangin ngayon kung tama nga ba ang naisukli sa kanya ng wais na tsuper.

Loading…