Bata namataang naglalakad sa bintana ng condo unit na nasa mataas na palapag; mga netizens nabahala

  • Pinakaba ng isang batang naglakad sa bintana ng isang condo unit ang mga netizens
  • Nagpabalik-balik kasi ang bata mula sa loob ng bahay at sa bintana na walang anumang harang
  • Kinabahan ang netizens at nakahinga nang maluwag dahil hindi nahulog ang bata mula sa mataas na palapag

Bilang mga magulang, isa sa mga tungkulin natin na siguruhing ligtas sa anumang kapahamakan ang ating mga anak. Kabilang dito ay ang pagpapanatiling maayos ang mga kasangkapan sa bahay, maging ang pagsisiguro na may proteksyon ang mga bata saan mang sulok ng ating mga tahanan.

Ganito ang paalalang nais ipahatid ng uploader ng isang viral video sa Facebook. Kita kasi sa kanyang ibinahaging video ang paglalaro at paglalakad ng bata sa bintana ng isang condo unit na nasa mataas na palapag. Walang takot na nagpabalik-balik ang bata mula sa loob ng kanilang bahay at sa bintana. Walang anumang harang ang bintana kaya isang maling galaw lamang ay maaari niyang ikahulog.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Tumagal din ang video ng uploader na si Silvestre Mesquita ng halos isang minuto. Nang matunugan siguro ng ina ng bata na wala ang kanyang anak sa loob ng bahay ay sinilip niya ang nakabukas na bintana at doon nakita ang bata. Kinuha niya ito at nailigtas ang bata sa kapahamakan.

Dahil dito, payo ni Mesquita sa kanyang post na mahalaga ang proteksyon sa mga bintana ng matataas na gusali, partikular ang mga condo unit. Lalo raw dapat na lagyan ng harang kung mayroong mga batang maaaring maglaro sa mga bintana.

Hindi kuha sa Pilipinas ang video at maaaring sa Brazil ito nangyari kung saan nagmula si Mesquita. Gayun pa man, maraming Pilipino ang nag-share sa kani-kanilang social media accounts at nagkomento sa nakatetensyong video.

Ayon sa ilang Pinoy na nagkomento, grabe raw ang kabang nadama nila sa panonood sa video ng bata. Dapat daw ay hindi na hinahayaang bukas ang bintana lalo na at mayroong paslit na maaaring mahulog mula rito.

Larawan mula sa Facebook post ni Silvestre Mesquita

Ang iba naman ay hindi lubos maisip kung sakaling mga anak nila ang gumawa ng paglalaro sa bintana ng napakataas na condo unit. Kaya patuloy ang pagta-tag ng mga netizens sa kilala nilang nakatira sa mga condo units at matataas na lugar na siguruhing ligtas ang kanilang mga bahay.

May isang netizen naman na naniniwala sa guardian angel dahil sa walang nangyaring hindi maganda sa bata. Ayon sa kanya, sa tagal ng video ay mapalad itong hindi nakabitaw o nagkamali ng hakbang dahil sadyang makipot ang tinutuntungan nito.

Loading…