Batang champion sa marathon na hindi pa nakakakain sa Jollibee inilibre ng kanyang guro

  • Ikinuwento ng isang guro ang nakaaantig na istorya ng kanyang estudyante na Grade 1
  • Hindi pa raw ito kailanman nakakain sa Jollibee kaya naman minarapat ng guro na ilibre ito
  • Marami pa raw kuwento ang bata na talaga namang nagbigay aral at inspirasyon sa guro

Trending ngayon sa social media ang iba’t ibang kuwento ng kadakilaan ng mga guro dahil sa kontrobersyal na episode ng Raffy Tulfo in Action. Maraming mag-aaral ang nagpaabot ng paghanga sa kanilang mga guro na nagsilbing pangalawang magulang sa kanila na nagbigay sa kanila ng iba’t ibang disiplina.

Gayunman, isang guro ngayon ang nagbahagi ng kuwento ng isa sa kanyang mga mag-aaral sa isang Facebook post. Sabi ng guro, kahit siya ang guro ng bata, makailang ulit daw siya nitong nabigyan ng mga aral sa kanyang buhay dahil sa mga bagay na hindi nararanasan ng bata dala ng kahirapan.

Larawan mula sa Facebook post ni Venus Sulit

Ipinakilala ng guro na si Venus Sulit ang kanyang mag-aaral sa Grade 1 na si Jayson Maghirang. Kahit daw kapos sa maraming materyal na bagay ang bata, ay busog na busog naman daw ito sa talento. Isa raw itong champion sa marathon at isa ring honor learner sa klase ng guro. Ibinahagi ng guro ang ilang pagkakataon kung saan naantig siya kuwento ng bata.

Nang manalo raw ito sa marathon na sinalihan sa Sariaya East, minabuti raw ng guro na pakainin si Jayson sa Jollibee. Hindi raw makapaniwala ang bata na dahil nanalo siya sa contest na sinalihan ay ililibre na siya ng guro sa Jollibee.

Sabi naman ng guro sa kanyang mag-aaral, karapat-dapat daw ang bata sa libre niya dahil malaking karangalan ang naiuwi ng bata para sa paaralan. Dito raw sumagot ang bata na nahihiya siyang pumasok sa Jollibee dahil kailanman daw ay hindi pa siya nakapasok at nakakain man lamang sa sikat na fast food restaurant.

Naantig daw ang damdamin ng guro sa narinig. Noong mga panahon daw na iyon, naramdaman niyang isa siyang ina kay Jayson kahit wala pa naman siyang sariling pamilya. Napakasarap daw sa pakiramdam na makita niyang masaya ang bata at naiparanas dito ang mga bagay na ipagkakait sa kanya ng kahirapan.

Larawan mula sa Facebook post ni Venus Sulit

Dagdag pa ng guro, minsan niya na rin umanong nasita si Jayson dahil nanonood raw ito ng telebisyon sa kantina ng school. Nagpaliwanag daw ang bata na hindi niya namalayang nanonood na raw siya ng TV dahil wala naman daw sila noon sa bahay nila dahil walang kuryente. Lalo raw naantig ang guro at minsan daw iniisip niyang napaka-mature ng isip ni Jayson para sa isang Grade 1 student.

Ang kuwento ni Jayson ay kinapulutan daw ng aral ng guro. Dahil sa kanyang pagiging simple at totoo, at pagiging mahusay na mag-aaral, naging top fan teacher daw si Venus ng bata. Proud raw siya sa bata at mga kaklase nito at patuloy niyang mamahalin ang kanyang klase na hindi lamang umaasa sa kanya ng karunungan, kung hindi nagbibigay din sa kanya ng aral sa buhay.

Loading…