Batang nakasakay sa bike habang binabalanse ang tatlong sisidlan ng paninda sa ulo, pinahanga ang mga netizens

  • Hinangaan ng mga netizens ang isang batang tinderong may kakaibang talento sa pagbalanse
  • Habang sakay kasi ng bike, nakapatong sa ulo niya ang tatlong sisidlan ng paninda niya
  • Gayunman, may mga netizen din na nabahala sa kaligtasan ng bata

Normal na ang makakita tayo sa daan ng mga batang nagtitinda ng kung ano-anong produkto. Mayroong mga nagtitinda ng kendi, sampaguita, basahan, at mga pagkaing tinatangkilik ng madla lalo na iyong mga commuters na naiipit na sa traffic.

Ngunit isang kakaibang bata na nagtitinda sa lansangan ang trending ngayon sa social media. Ibinahagi ng netizen na si Bruce Dolores ang mga larawan at video ng isang bata na binabalanse sa kanyang ulo ang tatlong sisidlan ng paninda habang minamaneho ang kanyang bike.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ni Bruce Dolores

Sa kuha ni Dolores, makikita ang bata na sakay ng kanyang bike at binabagtas ang Kaingin Road at Multinational Avenue sa Parañaque City. Sa kanyang ulo nakapatong ang dalawang plastic box na mayroong lamang kakanin at sa gitna nito ay isang cooler naman na naglalaman ng Yakult.

Ayon kay Dolores, nang makita niya ang bata ay humanga siya sa galing nito sa pagbabalanse. Kahit kasi may kabilisan ang pagpapatakbo nito sa kanyang bike, ay hindi nalalaglag ang mga kahong nakapatong lamang sa ulo niya.

“Share ko lang to mga paps. Sobrang nabilib ako rito. Kaya kinunan ko ng video. Pa-share na lang po… Para matulungan iyong bata,” salaysay ni Dolores sa kanyang post na ibinabahagi na rin ng maraming pages sa Facebook kabilang ang ilang sikat na pahayagan.

Dahil marami na ang nakapansin sa video ni Dolores ay nagpapasalamat siya sa mga netizens na patuloy na nagbabahagi ng kanyang video. Ngayon daw marami nang nakapanood, mas malaki ang pagkakataong mayroong tumulong sa bata.

Larawan mula kay Bruce Dolores

Maraming netizens din ang humanga sa kakaibang kakayahan ng batang tindero. Hanga sila sa sipag at diskarte ng bata na nakatutulong na sa kanyang pamilya sa murang edad. Gayunman, may ilang hindi naiwasang mabahala para sa kaligtasan nito.

“Amazing skill. But whoever is the employer of this boy please be concern of his safety and well-being,” sabi ng isang netizen.

Loading…