Bente pesos, ginupit ng isang estudyante para sa assignment na larawan ni Manuel L. Quezon

  • Ginupit ng isang mag-aaral ang benteng pesos para sa kanyang assignment
  • Larawan kasi ni Manuel L. Quezon ang kailangan sa takdang-aralin na makikita sa bente pesos
  • Lumang bente naman ang ginupit ng bata na matagal nang inalisan ng halaga ng BSP

Kabilang sa mga takdang aralin ng mga estudyante lalo na sa elementarya ang paggupit at pagdidikit ng kung ano-anong larawan sa kuwaderno o notebook. Ang karaniwang pinagkukuhanan ng mga ginugupit na larawan ay mga lumang magasin, dyaryo, libro, at maging mga brochure.

Pero trending ngayon ang isang larawan ng takdang aralin ng isang mag-aaral sa elementarya. Imbes kasi na sa aklat o magasin kumuha ng larawan, mas pinili niyang gupitin ang bente pesos para sa larawan sa kanyang assignment.

Larawan mula sa Facebook post ni Ombee Piñero

Ibinahagi ng netizen at guro na si Ombee Piñero sa kanyang Facebook post ang larawan ng assignment ng kanyang estudyante. Ayon kasi sa ibinigay niyang homework, kailangang gumupit ng larawan ni dating pangulong Manuel L. Quezon at ididikit sa notebook.

Pero hindi sa libro o dyaryo kumuha ng larawan ang mag-aaral ni Piñero. Sa halip, ginupit niya ang bente pesos kung saan makikita si Quezon. Sabi ng guro, bilib siya sa pagkamalikhain at diskarte ng kanyang mag-aaral para makagawa ng assignment.

Bago tumaas ang kilay ninyo, isang lumang bente pesos naman ang ginupit ng bata para sa kanyang takdang aralin. Matatandaang inalisan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng halaga ang mga lumang salapi at hindi na maaaring ipambili ng anumang bagay o serbisyo.

Dahil dito, umani ito ng maraming reactions sa Facebook. Habang isinusulat ang balitang ito, mayroon nang 14,000 reactions, 2,100 comments, at 24,000 shares kahit anim na oras pa lamang itong naka-post sa social media.

Larawan mula sa BSP

Maraming netizen ang may kanya-kanyang komento tungkol sa takdang aralin ng bata. Sabi nila, “rich kid” daw ang bata dahil handa itong gumupit ng pera para sa kanyang assignment. May mga nagsasabi naman na lugi ang bata dahil bente pesos ang ginupit niya pero 10 puntos lang ibinigay ng guro.

“Kung wala kang printer at internet sa bahay, baka bente lang din magastos mo. Kaya gupitin mo na lang,” biro ng isang netizen.

Loading…