Bida ang saya at pagmamalasakit: Delivery guy ng Jollibee, namigay ng pagkain sa mga batang steet vendor

  • Namigay ang isang Jollibee delivery guy ng pagkain sa mga batang nagtitinda sa lansangan
  • Nakuhanan ng video ang pagmamalasakit na ito ng delivery man
  • Humanga ang netizens sa ginawa ng lalaki at inspirasyon daw siya na wala sa estado ng buhay ang pagtulong sa kapuwa

Para sa mga bata, isang malaking kaligayahan na ang makapag-Jollibee. Bawat batang Pilipino yata ay gustong-gusto ang mga inihahain ng sikat na fast food restaurant kaya naman kakaibang saya ang naidudulot nito sa kanila. Gayunman, hindi naman lahat ng mga magulang ay may kakayahang pakainin sa Jollibee o sa anumang sikat na kainan ang kanilang mga anak dahil na rin sa hirap ng buhay.

Ngunit mayroon pa ring may magagandang loob na nagbibigay ng kaligayahan sa mga batang hindi naman nila kaano-ano sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga ito na makakain sa sikat na Jollibee. Ganito ang kuwento sa ibinahaging video ng isang netizen sa Facebook na umantig naman sa mga kapuwa social media users.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ni Ramon del Prado

Kita sa video na in-upload ni Ramon del Prado sa kanyang post, ang pag-aabot ng isang delivery guy ng Jollibee ng burger sa mga batang nagtitinda sa lansangan. Kuha raw ito ni Prado sa ABD Avenue corner Shaw Boulevard bandang 11 na ng gabi.

Magiliw na tinawag ng lalaki ang tatlong bata na nagtitinda ng sampaguita. Nang makalapit ang mga ito, inabot ng delivery guy ang mga burger mula sa sikat na fast food resto. Hindi man rinig sa video, ngunit kita naman na masaya pang nakipagkuwentuhan saglit ang lalaki sa mga bata.

Paglilinaw ni Prado, hindi raw siya binayaran ng Jollibee para kuhanan ng video ang pamimigay ng pagkain sa mga bata at i-upload ito sa social media. Nasa loob daw siya ng sasakyan nang makita ang kabutihang ipinamalas ng delivery man.

Humanga naman si Prado sa kabutihang ipinamalas ng lalaki. Ayon sa kanya, nawa ay mas marami pang biyaya ang makamtan ng lalaki na ngayon ay nagsisilbing inspirasyon na sa marami na maaaring magpaabot ng tulong sa sinuman kahit anuman ang estado mo sa buhay.

Larawan mula sa video ni Ramon del Prado at account ni Archie Padulasero

“Kudos to the kind hearted delivery guy here. May you get a lot of blessings to come in life, and continue to stay awesome, Jollibee,” pahayag ni Prado sa kanyang post.

Ayon sa mga netizens na nag-share, ang lalaki raw ay si Archie Padulasero na tina-tag nila ngayon dahil sa trending na ang kanyang kabutihan online. Nag-post naman si Padulasero sa kanyang Facebook account na ipinamigay niya raw ang mga pagkain na iyon sa mga bata dahil ayaw niyang may nasasayang na pagkain.

Loading…