Buwis ng vape nais ipantay ng pamahalaan sa buwis na ipinapataw sa ‘yosi’

  • Nais ng pamahalaan na ipantay ang buwis ng vape products sa buwis na ipinapataw sa sigarily0
  • Ang vape at sigarilyo ay pareho lang umano na may nicotine content
  • Ang paggamit ng vape ay ipinagbabawal na sa mga pampublikong lugar

Nais nang itaas ng pamahalaan ang excise tax rate sa vape products upang pumantay sa buwis na ipinapataw sa sigarily0 at tabako, na pare-pareho namang nagtataglay ng nakagugumon na nicotine.

Imahe mula sa The State News

Sinabi ni Finance Assistant Secretary Tony Lambino na ang batas na magtataas ng tax rate ng sigarilyo simula sa January 2020 ay dapat umanong ma-amyendahan upang maisama ang P45 excise tax para sa vaping products, depende sa nicotine content nito.

Aniya, sa susunod na taon ay itataas ng Republic Act 11346 ang excise tax ng sigarilyo ng P45 kada pakete, P50 per pack naman sa taong 2021, P55 per pack sa taong 2022,at P60 per pack sa taong 2023.

“Gusto po natin sana gawin nang patas ang tax rate natin sa cigarette, tobacco products at tsaka sa vape products. Alam naman po natin na may nicotine ang mga ito and nicotine is a highly addictive substance,” anang Department of Finance official.

“I-aadjust na po siya kaya sa pag-umpisa pa lang ng taon sa 2020 patas na po ang rate sa tobacco products ‘tsaka vape,” dagdag pa ni Lambino.

Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga law enforcement agencies ang pagbabawal ng paggamit ng vape sa mga pampublikong lugar. Sinabi rin niya na ipinagbabawal niya rin ang importasyon ng vape products.

Imahe mula sa Brigada News

Kasunod ng direktiba ng Pangulo, ay agad na kumilos ang Philippine National Police upang ipatupad ang utos ng Pangulo. Ilang vape users na ang dinala sa presinto matapos mahuling gumagamit ng vape sa mga lugar na ipinagbabawal.

Hindi naman kakasuhan ang mga nahuli, ayon sa pulisya. Ire-record lang umano sa police blotter ang kanilang paglabag sa kautusan ng Pangulo.

Source :

YouTube, ABS-CBN

Loading…