Dalawang Cabinet members iniimbestigahan matapos ireklamong sangkot sa korapsyon

  • Dalawang Cabinet secretaries iniimbestigahan dahil sangkot umano sa korapsyon
  • Hindi pinangalanan ng PACC ang dalawang opisyal
  • Magsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon si Pangulong Duterte tungkol sa reklamo laban sa dalawang Cabinet members

Dalawang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isinailalim ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa masusing imbestigasyon dahil sa pagkakasangkot umano ng mga ito sa corrupt practices.

Screenshot mula sa GMA video

Noong buwan ng Agosto ng kasalukuyang taon ay nagsagawa ng lifestyle check ang PACC sa dalawang Cabinet members matapos makarating sa kanilang tanggapan ang mga reklamo na diumano ay sangkot sa korapsyon ang mga ito.

Tumanggi si PACC Commissioner at spokesperson na si Greco Belgica na pangalanan ang dalawang opisyal. Katwiran niya, hindi naman nangangahulugang corrupt ang dalawang Cabintet Secretaries dahil lang may reklamo laban sa kanila.

Hindi nagbigay ng detalye si Belgica hinggil sa akusasyon, pero sinabi niya na private persons ang mga nasampa ng reklamo.

“It’s unfair to mention them and make them appear corrupt. Hindi dahil sinampahan ka ng kaso, guilty ka na po,” ani Belgica na nagsabi pa na naging cooperative naman sa imbestigasyon ang dalawang opisyal.

Ayon pa kay Belgica, naipasa na nila sa Office of the President ang resulta ng kanilang imbestigasyon. Hindi niya kinumpirma kung guilty nga sa korapsyon ang dalawa.

Imahe mula sa PIA

“I’m bound by the rules. I can’t discuss the case kung ano ang kaso at findings namin. It has to go through due process,” aniya.

Sinabi ng Malacañang na magsasagawa si Pangulong Duterte ng hiwalay na imbestigasyon sa dalawang Cabinet secretaries upang ma-validate ang findings ng imbestigasyong ginawa ng PACC.

“Papaimbestigahan ni Presidente, papa-validate niya,” sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Bukod sa dalawang Cabinet members, ang PACC ay nagsasagawa rin ng imbestigasyon sa isang Undersecretary at isang Assistant Secretary na may kinalaman sa madalas nilang pagbiyahe sa labas ng bansa.

Imahe mula sa OPS

Loading…