Dalawang Darna: Marian Rivera at Jane de Leon, nagkita sa unang pagkakataon

  • Nagkita ang dalawang Darna na sina Marian Rivera at Jane de Leon
  • Magkakasama sila sa isang endorsement ng Belo Medical Group
  • Maraming fans nila ang natuwa sa pagkikita ng dalawang aktres na mula sa magkaibang network

Bago naging Kapamilya, una munang lumipad si Darna bilang Kapuso. Ilang Kapuso stars din ang nagsuot ng iconic costume ni Darna kabilang sina Angel Locsin, Katrina Halili, at ang pinakahuli na si Marian Rivera. Ngayong nasa ABS-CBN na ang rights para muling paliparin ang kuwento ni Darna, panibagong pangalan ang umusbong para bigyang buhay ang Pinay Superhero.

Naging matunog ang pangalan ni Jane de Leon nang pangalanan siya ng ABS-CBN Film outfit na Star Cinema bilang bagong Darna. Simula noon, dumami na ang kanyang commitments at endorsements, kabilang ang pagiging bagong mukha ng Belo Medical Group.

Larawan mula sa Instagram account ni Marian Rivera

Sa pictorial nga ng bagong ads ng Belo Medical Group para sa kanilang New Phase, New Face campaign, nagkita ang dalawang Darna ng kani-kanilang henerasyon. Ibinahagi ni Marian sa kanyang Instagram story ang pagkikita nila ni Jane sa nasabing pictorial.

Makikita sa larawan ang masayang pagkikita ng dalawa. Sinabi pa ni Marian na masaya siyang makilala ang bagong tagapagmana ng mahiwagang puting bato ni Darna. Agad ring nag-viral sa social media ang larawan ng dalawa.

Nire-upload ng Facebook page na The Scoop ang larawan ng dalawa na umani ng halos 10,000 reactions at 500 shares ilang oras matapos i-upload. Masaya ang fans ng dalawang aktres na kahit nasa magkabilang istasyon sila ay makikita ang suporta sa isa’t isa.

May mga fans naman na hinihiling na sana ay magkita-kita sina Angel, Marian, at Jane at magkasama sa proyekto kahit endorsement lamang. May ibang gusto ring makasama si Liza Soberano kahit hindi ito opisyal na naging Darna dahil kailangan nitong iwanan ang role para sa kanyang kalusugan.

Larawan mula sa Facebook page ng Star Cinema

Lumipad si Marian bilang bida sa ikalawang series ng GMA Network noong 2009, habang si Angel naman ang Darna noong 2005. Nang makuha ng Kapamilya network ang rights ng Darna, makailang ulit silang nagpalit ng aktres na gaganap hanggang mapunta ito kay Jane.

Patuloy na naghahanda si Jane para sa movie adaptation ng Darna. Gayunman, wala pang opisyal na play date ang nasabing pelikula na gagawin ng Star Cinema. Wala pa ring opisyal na anunsiyo kung sino ang gaganap na kontrabida kay Jane.

Loading…