‘Di nagbasa? Mga bumili ng airPods case umasa na may earphones ang package

  • May ilang buyers sa Shopee ang umangal dahil wala raw kasamang headset ang inorder nilang AirPods case
  • Ito ay kahit na malinaw naman sa description na case lamang ang binebenta ng online seller sa Shopee
  • Nagpayo naman ang mga netizens na basahing maigi ang description ng mga binibili bago i-order

Maraming Pilipino ang nag-abang sa ginawang November 11 o 11.11 sale ng mga online shopping stores tulad ng Shopee. Marami kasing mga items na mabibili talaga sa murang halaga, habang ang ilan naman ay malaki ang diskwentong makukuha. Kaya hindi nakapagtataka na makakita ng mga murang items na swak sa pangangailangan natin sa araw-araw.

Pero ang ibang buyers, tila hindi na nagawang basahin pa nang maigi ang description ng mga produktong nakikita online. Ang ilan ay nagbabase na lamang sa mga larawan. Kaya naman ang ending, iba ang produktong dumating sa kanila kaysa sa kanilang inaasahan.

Larawan mula sa Facebook account ni Kate Nicole Escobido

Ito ang dahilan kung bakit trending online ang Facebook post ni Kate Nicole Escobido na isang online seller. Nakita niya na maraming buyers ang dismayado sa ibinebentang AirPods case o lalagyan ng wireless headset para sa iPhone. Umasa kasi ang ilang bumili na mayroong earphones na kasama ang package at nagbigay ng mababang rating sa item sa Shopee.

Pero sa screenshot na ibinahagi ni Escobido, malinaw naman sa description ng produkto na case lamang ito at walang kasamang headset. “TPU Silicone Bluetooth Wireless Earphone Case for AirPods” ang buong nakalagay sa produkto na may halagang P33 lang kaya marami ang bumili.

Inulan ng negatibong feedback ang seller dahil daw wala namang kasamang headset ang case na binili nila. Iyong iba nga ay galit pa sa seller at gusto pang i-report. Nagbahagi rin si Escobido ng mga screenshot ng ilang nagreklamo pero hindi nagawang basahin ang detalye ng binibiling produkto.

“Wala naman headset pero sa pic meron. Anong gagawin ko dito. Wala naman laman. Wag kayong bibili dito,” sabi ng isang buyer na tila nag-base lamang sa larawan at hindi na binasa ang description ng binili.

Mayroon namang naiyak pa raw nang matanggap ang binili dahil wala namang earphones na kasama. Pinaratangan pa ang seller na manggogoyo raw dahil wala namang lamang headset ang case na idineliver sa kanya.

Larawan mula sa Facebook account ni Kate Nicole Escobido

“Sobrang naiiyak ako sa asar dahil walang laman. Case lang. Sa ginagawa n’yo baka mga ibang customer di na mag-order sa inyo. Gawan n’yo naman ng paraan to,” sabi ng isang buyer.

Maraming netizens naman ang nagkomento sa post ni Escobido at sinabing bilang isang buyer, responsibilidad nating basahing maigi ang detalye ng produktong binibili upang hindi maging katawa-tawa kapag nagbigay ng rating at masigurong swak sa hinahanap natin ang binibili online.

Loading…