Disiplina ng mga guro noong 80’s at 90’s itinampok ng netizen

  • Itinampok ng isang netizen ang disiplinang 80’s at 90’s ng mga guro
  • Kabilang dito ang pagpingot sa tainga, pagbato ng pambura o eraser, pagpapa–squat, pagpalo sa mga daliri gamit ang ruler, at pagpapadipa sa labas ng silid–aralan
  • Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa netizens

Kamakailan lamang ay naging mainit na usapin ang isyu ng pagrereklamo ng magulang at lola ng isang mag–aaral laban sa isang guro sa isang sikat na palabas, na nagbunsod upang mapag–usapan ang iba’t ibang paraan ng pagdidisiplina ng mga guro, na itinuturing na “pangalawang magulang”.

Ibinahagi ng netizen na si “Janiel Tagudin” ang isang larawan ng iba’t ibang paraan ng pagdidisiplina ng mga guro noong dekada 80 at 90, sa Facebook page na “Memories of Old Manila”.

Ayon sa Facebook post, noong kanilang panahon ay tinatawanan lamang nila ang mga klase ng disiplinang ipinatitikim sa kanila ng mga guro kapag nakagagawa ng pagkakamali, lalo na sa kapilyuhan. Tatawanan lamang at hindi matu–trauma. May hashtag itong #DefendOurTeachers.

“Tatawa lang pero hindi matu-trauma. Batang 80’s and 90’s… Mag-ingay!!!

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Makikita sa larawan ng sketch ang pagpingot sa tainga, pagbato ng pambura o eraser, pagpapa–squat, pagpalo sa mga daliri gamit ang ruler, at pagpapadipa sa labas ng silid–aralan.

Marami naman sa netizens ang naka–relate sa naturang larawan. Ilan sa kanila ang nagbahagi pa ng kanilang karanasan at patotoo hinggil dito. Ipinagpapasalamat pa nila na naranasan nila ito dahil tumino raw sila at nagkaroon ng direksyon.

“Ang dami kong naging terror na teachers noong elementary ako. Mas matindi pa kasi may pingot, at hampas sa kamay gamit ang ruler. Tapos sapilitan ka pang bibili ng paninda ni Mam. Pero hindi naman ako na-trauma doon.”

“Iba talaga ang mga batang 80’s at batang 90’s noon. Lahat iyan napagdaanan ko. Proud ako kasi iyan ang nagpalakas sa akin bilang isang estudyante.”

“Nowadays, mga kunsintidor ang parents. It’s part of discipline… teach your children to be a little bit responsible. Huwag masyadong i–tolerate ang mga ‘di–magagandang gawi ng mga bata.”

“Haha ako nga pinag–igib ng tubig sa poso, pinapuno ang dram ng tubig sa banyo, late eh… saka iyan ang napagkasunduan namin ng homeroom teacher ko noong grade 5 hahaha.”

Public Domain Image

Sa kabilang banda, may ilang netizens din ang nagpahayag ng kanilang opinyon na hindi naman laging aplikable ang ganito, lalo na sa panahon ngayon. Nagbabago umano ang takbo ng panahon. Hindi porke’t umubra noon ay uubra pa rin ngayon.

Ang mga guro ay pinoprotektahan ng “Magna Carta for Teachers” habang ang mga mag–aaral naman ay “Child Protection Policy”. Sa kasalukuyan, isinusulong ni ACT Teachers Party-List Representative Antonio L. Tinio ang House Bill No. 5735 o “Student Discipline and Teacher Protection Act” upang maprotektahan ang mga guro sa kanilang pagdidisiplina sa mga mag–aaral.

Samantala, isinusulong din ang Senate Bill No. 1189 o may pamagat na “AN ACT INSTITUTIONALIZING SUPPORT MECHANISMS ON MATTERS OF STUDENT DISCIPLINE AND CLASSROOM MANAGEMENT FOR TEACHERS AND PERSONNEL IN THE PUBLIC SCHOOL SYSTEM” para sa marespetong pagdidisiplina ng mga guro sa kanilang mga mag–aaral.

Source :

Facebook

Loading…