Doug Kramer sa pagreretiro sa paglalaro para sa PBA: “My slot will be a dream come true for next player up”

  • Magreretiro na sa professional basketball league ang Phoenix Fuel Master player na si Doug Kramer
  • Ayon sa kanya, aalis daw siya upang magbigay-daan sa susunod na manlalaro ng kanyang koponan
  • Malaki naman ang pasasalamat niya sa basketball dahil dito niya nakilala ang kanyang misis na si Chesca Garcia

Inanunsiyo ng professional basketball player na si Doug Kramer na magre-retiro na siya sa paglalaro sa Philippine Basketball Association (PBA). Sa isang Instagram post ginawa ni Kramer ang rebelasyon; kasabay ng pagbabahagi ng larawan ng kanyang huling ensayo.

Sinariwa ni Kramer ang kanyang naging karera mula sa pagiging star player ng Ateneo de Manila University sa UAAP at ang kanyang pagiging professional league player sa loob ng 12 taon. Noong 2007 ay nai-draft si Kramer sa koponang Air21 at nagpalipat-lipat ng team kabilang ang Ginebra, Rain or Shine, Barako Bull, San Miguel, GlobalPort, at ang pinakahuli ay ang Phoenix Fuel Masters.

Larawan mula sa Instagram account ni Doug Kramer

“So blessed to be able to enjoy this game dating back 17 years ago, 2002 in Ateneo as a Blue Eagle. There’s still so much to do. I’m 36 years young and got so much to prove and make an impact outside of basketball,” sabi ni Kramer sa kanyang post.

At sa mismong araw ng kanyang pagreretiro, ibinahagi naman ni Kramer ang kanyang pasasalamat sa lahat ng sumuporta sa kanya, at ang tunay na dahilan ng kanyang pag-alis sa liga. Aniya, magreretiro daw siya dahil nirerespeto niya ang PBA at nais niyang magbigay ng pagkakataon sa ibang manlalaro.

“I started playing basketball for the love of the game and I’m retiring because I respect the game. It has given me so much, and my way of leaving is to give others a chance. My slot will be a dream come true for the next player up,” sabi ni Kramer sa kanyang post kalakip ang kanyang larawan bilang player ng Phoenix Fuel Masters.

Sinabi rin ni Kramer na kung hindi dahil sa paglalaro niya ng basketball ay hindi niya makikilala ang kanyang asawa, ang aktres na si Chesca Garcia. At kung hindi raw sila nagkakilala ni Chesca, wala ang mga online superstars niyang anak na sina Kendra, Scarlett, at Gavin. Matatandaang naging viral ang mga nakaka-good vibes na vlogs ng pamilya nina Chesca na tinawag na Team Kramer.

Larawan mula sa Instagram account ni Doug Kramer

“If it weren’t for basketball, I wouldn’t have been able to play for Ateneo in Manila and eventually meet Chesca on my sophomore year. No Chesca means no Kendra, Scarlett, and Gavin. What a different life I would have led if weren’t for this sport,” paliwanag ni Kramer.

Nakatanggap naman ng well-wishes si Kramer sa ilang kapuwa PBA players na sina Matthew Wright, Marc Pingris, Vic Manuel, Chris Ross, Sol Mercado, Gabe Norwood, at Sean Anthony.

Loading…