Driver na kinainisan dahil walang barya, wala palang kapera-pera at ‘di makauwi para sa yumaong ina

Image via Chelsea Alonzo | Facebook
  • Isang driver ang kinainisan ng pasahero dahil wala itong barya na maipanukli
  • Sinabi ng driver na abutan na lamang siya kahit magkano at naiinis naman siyang binigyan ng pasahero ng kulang na pamasahe
  • Sa pagpapatuloy ng biyahe, nalaman ng isa pang pasahero na wala itong kapera-pera at nagpupumilit lang mamasada para magkapamasahe’t makauwi sa yumaong ina sa probinsiya

Nakalulungkot isipin na minsan, napakadali lang sa tao na husgahan ang kapwa niya dahil sa isang maliit na bagay, kahit pa wala siyang ideya sa tunay na pinagdadaanan nito.

Image via Chelsea Alonzo | Facebook

Sa Facebook, nag-viral kamakailan ang kuwento ng isang driver na kinainisan ng pasahero dahil malapit na itong bumaba pero wala pa rin siyang barya na maipanunukli.

“Biyaheng Polo-Monumento. May nagbayad ng P100 tapos sa malapit lang bababa. Nagtanong ang manong driver, ‘Baka naman ho mayroon kayong mas mababa rito?’ Tugon ng babae, “Ano ba ‘yan, Kuya, bababa na kami!'” pagsasalaysay ng nag-post na si Chelsea Alonzo.

Sabi ng driver, kahit magkano na lamang ang ibigay sa kanya ng pasahero. Wala raw kasi talaga siyang barya dahil kabibiyahe lamang niya. Naiinis naman siyang binigyan ng pasahero ng kulang na pamasahe. Humingi na lamang daw ng pasensya ang tsuper.

Normal na eksena lamang sana ito sa isang pampasaherong sasakyan — ngunit biglang may nakitang kakilala ang driver sa pagpapatuloy ng kanilang biyahe. Kuwento ni Alonzo, noong araw pala na iyon ay nakatanggap ng malungkot na balita ang tsuper na wala na ang kanyang ina. Sa kabila ng pagluluksa, lumabas pa rin ito para mamasada upang makaipon ng pamasahe pauwi sa kanila.

Image capture from Facebook

Naiyak na lamang daw ang nag-post nang marinig ang totoong pinagdadaanan ng driver. Hiling ng mga Facebook users, sana sa mga sandaling nabasa nila ang viral post ay nakauwi na ang tsuper sa kanila; kapiling na sana ang ina sa huling sandali na maaari niya itong makita at makasama.

Source: Facebook

Loading…