Emergency Powers, nais ibigay kay Pangulong Duterte para maipatupad ang mas maraming proyekto sa Build, Build, Build

  • Nais ni Congressman Joey Salceda na mabigyan ng emergency powers si Pangulong Duterte
  • Ito raw ay para mapabilis ang mga proyekto sa ilalim ng “Build, Build, Build” program
  • Pero para kay Senador Bong Go, masyado na raw huli para bigyan ng special powers ang pangulo 

Isa sa mga malalaking proyektong inilunsad sa panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ang mga proyektong pang-impraestruktura sa ilalim ng “Build, Build, Build” program. Ilan sa mga proyektong nagawa at kasalukuyang kinukumpleto sa ilalim ng programa ay ang Metro Manila subway, Subic-Clark railway, at Mindanao railway.

Ngunit para daw mas maraming proyekto pa ang maisagawa ng kasalukuyang administrasyon, isang panukala ang inihain ngayon sa kongreso. Kung maisasabatas ang House Bill 5456 na inihain ni Albay Represenative Joey Salceda, magkakaroon ng emergency powers ang pangulo at maaaring ipatupad ang anumang national policy sa ikabibilis ng mga proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan.

Larawan mula sa PNA

Kapag daw mayroong nang emergency powers ang pangulo, magagawa raw nitong alisin ang anumang balakid sa mga proyekto kabilang na ang ilang usapin sa right of way. Anumang batas, kasunduan, utos ng korte, o anumang hadlang ay mapapawalang-bisa sa oras na magkaroon ng emergency powers ang pangulo.

“As such, the President is hereby granted Special Powers to urgently utilize all necessary government resources, exercise police power, and employ executive actions and measures to ensure the effective implementation, reconfiguration, and harmonization of national and local government projects intended to address the economic growth, unhampered by existing laws, agreements, regulations, court orders, and procedures that would cause delay in addressing exclusively the implementation of flagship projects,” ayon sa panukalang inihain ni Salceda.

Gayunman, ang special power na ito ni Duterte, kung maaaprubahan, ay maaari lamang gamitin sa mga proyektong may kinalaman sa transportasyon, urban development, patubig, imprastrukturang pang-komunikasyon at teknolohiya, at elektrisidad.

Maaari ding galawin ng pangulo ang mga samahang kabilang sa mga proyekto sa “Build, Build, Build” sa loob ng anim na buwan upang masiguro ang wasto at epektibong pag-usad ng mga proyekto sa ilalim ng programa.

Larawan mula sa PNA

Naganap ang paghahain ng panukala para sa emergency powers ni Duterte matapos ipahayag ni Senate Minority Leader na si Franklin Drilon na isang kabiguan daw ang “Build, Build, Build” program ng administrasyon. Ayon kay Drilon,  tanging siyam lamang sa 75 mga pangunahing proyekto ng “Build, Build, Build” ang umaandar sa kasalukuyan.

Pinabulaanan naman ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo ang pahayag ni Drilon at sinabing maraming isinasagawang proyekto sa ilalim ng “Build, Build, Build.” Samantala, sinabi naman ng kaalyado ng pangulo na si Senador Bong Go na huwag nang aprubahan ang emergency powers dahil masyado na itong huli. Sana raw noong umpisa pa lamang ng termino ng pangulo ito ibinigay.

Loading…