Enforcers na nakipag-areglo sa isang traffic violator sa halagang P30,000, sinibak sa puwesto; hepe nila damay

  • Nasibak sa puwesto ang tatlong traffic enforcer sa Mandaluyong matapos magpabayad sa isang traffic violator
  • Maraming nilabag na batas pantrapiko ang isang driver, kabilang ang pagbangga sa motor ng mga enforcer
  • Nagpabayad umano sila ng P30,000 at hindi sinampahan ng reklamo ang driver na ikinatanggal nila sa puwesto

Tatlong traffic enforcer mula sa Mandaluyong City ang sinibak sa puwesto dahil sa pakikipag-areglo sa drayber ng kotse na gumawa ng iba’t ibang traffic violation. Kahit ang motorsiklo ng mga enforcer ay binangga umano ng drayber.

Nag-viral kasi sa Facebook ang eksena ng driver ng kotse na kinilalang si Maria Vanessa Ponce habang hinuhuli ng mga enforcer dahil nakasagi ito ng isang motorista at nag-counterflow pa. Iniharang nila ang motor sa harap ng kotse habang pilit na kinakatok ang drayber sa sasakyan.

Larawan mula sa PNA

Nagmamatigas ang babae at tila ayaw makipag-usap sa mga enforcer nang bigla na lamang pinaharurot ang kanyang kotse at nagtangkang tumakas, kung saan napatumba niya rin ang nakaharang na motor ng mga enforcer.

Nahuli rin naman ang babae sa kahabaan ng Shaw Boulevard ngunit imbes daw na sampahan ng kaukulang reklamo si Ponce, ay nakipag-areglo pa ang tatlong enforcer at nagpabayad na lamang ng P30,000 sa bisa ng isang kasulatang pirmado rin ni Ponce.

Nakarating sa hepe ng Mandaluyong police na  si Col. Remigo Sedanto ang pangyayari. Ipinaalam niya ito sa alkalde ng Mandaluyong na si Menchie Abalos at agad na ipinasibak sa puwesto ang tatlong enforcer. Nadamay rin ang hepe ng Mandaluyong traffic bureau dahil sa hindi pagsasampa ng reklamo sa driver.

Ayon sa mga opisyal ng Mandaluyong, malinaw na korupsyon ang ginawa ng tatlong enforcer sa pagtanggap ng bayad mula kay Ponce na hindi lamang isang reklamo ang kinahaharap. Trabahong binabangketa ang termino ng PNP sa ganitong modus ng mga enforcer.

Larawan mula sa Pexels

Magpapatuloy daw ang imbestigasyon ng Mandaluyong tungkol sa isyu na kinakaharap ng kanilang traffic enforcers at patuloy na babantayan ang kilos ng iba pang opisyales dahil batid nilang hindi imposibleng laganap ang ganitong kalakaran sa mga nahuhuling traffic violators.

Susulat din umano ang Mandaluyong officials sa Land Transportation Office (LTO) upang tanggalan ng lisensya ang driver ng kotse na si Ponce dahil sa mga paglabag na ginawa.

Loading…