Ferry system na rutang Cavite-Manila ilulunsad sa Disyembre

  • Ferry system na may rutang Cavite-Manila ilulunsad ng DOTr at Marina sa Disyembre
  • Sa unang linggo ng Disyembre isasagawa ang dry run para sa ferry system na babaybay sa Manila Bay
  • Ang ruta ay magsisimula sa Sangley Port sa Cavite City hanggang SM MOA at magkakaroon din ng terminal hanggang sa Pasig River malapit sa Plaza Lawton

Ang mga commuters na bumibiyahe mula Cavite hanggang Maynila at pabalik ay magkakaroon na ng alternatibong transportasyon na mas magpapabilis sa kanilang biyahe.

Imahe mula sa MetroStar Ferry,inc.

Sa darating na buwan ng Disyembre ay ilulunsad ng Department of Transportation (DOTr), sa pakikipagtulungan sa Maritime Industry Authority (Marina), ang water transport system o ferry boat system na babaybay sa Manila Bay mula sa Cavite City hanggang sa Pasay City.

Inanunsyo ng DOTr at Marina na sa unang linggo ng Disyembre ay magsasagawa ng dry run para sa nasabing ferry system.

Ang phase 1 ng dry run ng water transport system, na inaasahang makatutulong sa pagpapagaan ng trapiko sa Metro Manila, ay magsisimula sa Metro Star Ferry Terminal sa Cavite City Hall/Sangley Port patungong SM Mall of Asia Ferry Terminal sa Pasay City.

Bahagi rin ng phase 1 ng dry run ang rutang mula Metro Star Ferry Terminal sa Cavite City Hall/Sangley Port hanggang Cultural Center of the Philippines Complex Terminal sa Pasay City din.

Ang phase 2 naman ay mula sa Cavite City hanggang sa terminal na itatayo sa Pasig River malapit sa Escolta Street at isa pa sa bahagi ng ilog malapit sa Plaza Lawton.

Public domain image

Bukod sa DOTr at Marina, kabilang sa mga kaisa sa proyekto ay ang Philippine Ports Authority, Philippine Coast Guard, Philippine Navy, Department of Public Works and Highways, Metropolitan Manila Development Authority, Laguna Lake Development Authority, at ang mga  lokal na pamahalaan ng Cavite at Manila.

Nagpahayag ng kanilang interes sa pag-operate ng mga nabanggit na ruta ang shipping companies na Shogun Ships Co., Incorporated; Starlite Ferries, Incorporated; Seaborne Shipping Lines Incorporated, at Pinoy Catamaran Corporation.

Hinihikayat ng Marina ang iba pang shipping lines na mag-deploy ng kanilang mga ferry boats sa Cavite-Manila Ferry Boat System.

Imahe mula sa MetroStar Ferry,inc.

Loading…