Food server sa NAIA, nagsauli ng sobreng may laman na P239,000

  • Isang empleyado sa Ninoy Aquino International Airport ang nagbalik ng napulot nitong sobre na naglalaman ng $4,700 o humigit-kumulang P239,000
  • Napulot niya ito bandang hapon ng Huwebes, November 21, sa Terminal 1 ng nasabing airport
  • Nakatanggap ito ng papuri mula sa general manager ng paliparan at naimbitahan ito ng Manila International Airport Authority na dumalo sa flag raising sa Lunes upang kilalanin ang kaniyang katapatan

Isang ordinaryong empleyado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang nagpabilib sa marami matapos nitong ibalik ang napulot na sobre na naglalaman ng halagang $4,700 o humigit-kumulang P239,000.

Imahe mula sa Pixabay

Sa ulat ng ABS-CBN News, kinilala ang matapat na empleyado bilang si Emiline Herrera na isang food server sa NAIA Terminal 1.

Ayon sa kaniya, una niyang inakala na kalat lamang ang sobre. Nang pulutin na niya ito ay doon na niya umano napansin ang mga nakapaloob na dolyar. Ibinalik naman nito kaagad sa kanilang kahera ang sobre matapos makumpirma na naglalaman ang sobre ng malaking halaga.

“Akala ko po kalat lang siya pero nang pulutin ko, nakita ko na may laman na maraming dolyar sa loob,” ani Emiline.

Ayon sa inisyal na impormasyon galing sa Lost and Found Section ng NAIA, isang babaeng pasahero umano ang nagmamay-ari ng sobre.

Napag-alaman naman na halos tatlong dekada nang nagtatrabaho bilang food server si Emiline sa paliparan. Bagama’t tama lamang ang sinasahod niya para sa kaniyang pamilya, sinabi nito na hindi niya ninais na angkinin ang pera dahil maaaring nag-aalala ang tunay na may-ari nito.

Imahe mula sa Pixabay

Dahil naman sa kaniyang katapatan, nakatanggap ng papuri si Emiline mula kay airport general manager Ed Monreal.

Inimbitahan din ito ng Manila International Airport Authority na dumalo sa flag raising sa Lunes upang mabigyan siya pagkilala.

Source :

ABS-CBN, Abante

Loading…