Gazini Ganados, ganado at determinadong makuha ang ikalimang Miss Universe title para sa Pilipinas

  • Ganado sa kanyang gagawing pagsabak sa Miss Universe pageant ang pambato ng Pilipinas na si Gazini Ganados
  • Ayon kay Gazini, kahit pressured siya sa pagkamit ng back to back crown para sa Pilipinas, gagawin pa rin daw niya ang kanyang best
  • Pinaghandaan rin niya ang mga isusuot na may simbolismo sa pagiging Pilipino

Nakaabang ngayon ang maraming Pilipino sa magiging performance ni Gazini Ganados sa gaganaping Miss Universe pageant sa Atlanta, USA sa darating na Disyembre 8 (Disyembre 9 naman dito sa Pilipinas). Umaasa ang maraming fans na back to back win ang magagawa nina Catriona Gray at Gazini sa nasabing prestihiyosong pageant.

Ilang araw bago gawin ang patimpalak, abala pa rin si Gazini sa iba’t ibang charity events. Kabilang sa mga ito ang Bayani Run, isang fund raising marathon event para sa mga benepisyaryo ng Coalition of Services for the Elderly (COSE). Natapos niya ang marathon at nakasama pa sa top 5 finishers ng nasabing charity run.

Larawan mula sa Instagram account ni Gazini Ganados

Biro pa nga ni Gazini, senyales na raw ba iyon na siya na ang ikalimang Miss Universe mula sa Pilipinas. Gayunman, seryoso at determinado raw ang 23 anyos na half Palestinian, half Filipina na si Gazini na maiuwi ang mailap na back to back crown ng Miss Universe.

Mula kasi sa Pilipinas ang reigning queen ng Miss Universe na si Catriona. At isang beses pa lamang daw nangyari na nagkaroon ng back to back wins sa Miss Universe sa katauhan ng dalawang beauty queen mula sa Venezuela noong 2008 at 2009.

Ngunit gagawin niya raw ang lahat ng kanyang makakaya, kabilang ang walang patid na paghahanda, para sa pageant. Pag-amin niya rin, hindi naman daw mawawala ang pressure sa kanya dahil sa magandang performance ni Catriona noong nakaraang taon. Pero ayon sa kanya, nagiging ganado siya dahil sa pressure.

“The pressure will always be there. It’s fueling me. I’m transitioning the pressure to something positive,” pahayag ni Gazini sa ABS-CBN News.

Larawan mula sa Instagram account ni Gazini Ganados

Inaabangan na rin ng fans ni Gazini ang kanyang mga isusuot sa pageant. Ayon sa kanya, ipagpapatuloy niya ang mga simbolismo ng kulturang Pilipino na pinauso ni Catriona. Ngunit lalagyan niya raw ito ng ibang timpla na tatatak sa kanyang pangalan naman.

Rebelasyon ni Gazini, mayroon daw simbolismo pero hindi raw ito pangkaraniwan na dapat na lamang abangan ng mga kapuwa Pilipino sa kanyang pagsalang sa kompetisyon. Naniniwala rin si Gazini na gagabayan siya ng kanyang lucky charm; ang kanyang namayapang lolo at lola.

Loading…