Grade 12 student na nagbebenta ng mga inumin at pagkain online para sa kanyang tuition, hinangaan ng netizens

  • Hinahangaan ng mga netizens ang isang Grade 12 student na masipag na nagbebenta online para sa kanyang tuition at pambaon
  • Nagtitinda siya ng coffee at Chuckie jelly na siya mismo ang gumagawa
  • Minsan, dahil sa dami ng order ay hindi na niya maasikaso at kinakailangan ng panibagong araw para magawa ang order sa kanya

Sa panahon ng makabagong teknolohiya, maraming mga Pilipino ang gumagawa ng paraan upang kumita ng pera online. Ang ilan ay nakapagtayo ng kanilang negosyo sa pamamagitan ng social media at ang iba ay nagtagumpay pa at kumikita na ngayon ng malaking halaga.

Ngunit hindi lamang mga aspiring na negosyante ang kumikita sa pagtitinda online. May ilang mag-aaral din na pinagkukuhanan ng kabuhayan at pangtustos sa pag-aaral ang pagbebenta sa social media. Sa katunayan, isang grade 12 student ang hinahangaan ngayon dahil sa kanyang diskarte para mayroong pang-tuition.

Larawan mula sa Twitter account ni Dale Leonora

Trending sa Twitter ang mag-aaral na si Dale Leonora dahil sa kanyang tweet kung saan ibinebenta niya ang sariling recipe ng inuming coffee jelly at Chuckie jelly. Bukod kasi sa mukhang masarap ang itinitinda niya, umantig din sa maraming netizens ang pahayag ni Leonora na siya lamang ang kumakayod para sa kanyang pag-aaral.

“Need ko lang po ng tulong ninyo pangbayad lang po ng monthly tuition. Ako na lang po kasi nagpo-provide ng pang tuition at daily allowance ko pang-school. Gr 12 na po ako graduating ng SHS,” paliwanag ni Leonora sa kanyang tweet na mayroon nang halos 30,000 likes at 17,000 retweets.

Dahil maraming nag-retweet, marami din ang tumangkilik sa produkto ni Leonora. Panay din ang post niya sa kanyang Twitter account ng mga larawan ng delivery ng kanyang coffee at Chuckie jelly. Hindi niya rin nakalilimutang magpasalamat sa lahat ng umoorder sa kanya.

Mayroon ding mga pagkakataon na dahil sa dami ng orders ay hindi na rin kinakayang suplayan ni Leonora ang mga bumibili sa kanya. Siya lang daw kasi ang gumagawa ng mga inuming ibinebenta niya at siya rin ang nagpo-proseso nito para mai-deliver sa kanyang mga parokyano.

Larawan mula sa Twitter account ni Dale Leonora

“Gusto ko po sana kayong lahat bigyan kaso po problema po ang lalayo po ng iba sa inyo and ako lang po mag-isang naggagawa sa ngayon. Cut ko po muna for now,” paliwanag ni Leonora sa kanyang tweet.

Maraming netizens din ang humanga sa kasipagan ni Leonora. Dahil dito, marami ang umoorder sa kanya ng maramihan sa kung saan-saang sulok ng Pilipinas. Sa kanyang latest Facebook post, hindi na lamang inumin ang ibinebenta ni Leonora. Nagtitinda na rin ang madiskarteng estudyante ng puto.

Loading…