Grade 3 student mula sa Laguna, nanalo ng dalawang gintong medalya sa isang international Math competition

  • Nag-uwi ng dalawang gold medals at isang tropeyo ang isang Grade 3 student mula sa isang international math contest
  • Overall runner-up siya sa mga Grade 3 na sumali, habang rank 1 naman sa sinalihang group math contest
  • Proud ang mga magulang at guro ng walong taong gulang na bata sa kanyang mga achievements

Marami sa atin ang pinangingilagan ang subject na Mathematics. Maliban kasi sa mga nakalilitong formula, kailangan ding may angking husay ka pag-compute ng malalaking numero upang makuha ang tamang sagot.

Pero isang bata mula sa Los Baños, Laguna ang tila minamani lamang ang Math. Sa kanyang murang edad na walo, isa na siyang international math wizard at nag-uwi ng dalawang gintong medalya at isang tropeyo.

Larawan mula sa Facebook post ni Josephine Sumangil Evangelista

Ayon sa ulat ng Philippine Information Agency, isang Grade 3 student si Zac Harvey Gordula sa Lopez Elementary School. Lumaban siya sa 2019 Singapore Math Global Team Competition o ang 2019 Singa na ginawa sa Ho Chi Minh City sa Vietnam.

Nakasama si Zac Harvey sa mga top spots ng Singateers round o ang individual contest para sa mga Grade 3 contestants. Sa group rounds naman kung saan kasama niya ang dalawa pang contenders mula sa mga bansang Indonesia at Vietnam, ay nakakuha naman sila ng gintong medalya dahil sa pagiging rank 1 nila.

Maliban sa mga gintong medalya, nag-uwi rin ang batang Math wizard ng isang tropeyo bilang overall runner-up ng mga Grade 3 students na sumali sa kompetisyon. Isang tanyag na math contest ang Singapore Math Global Team Competition na naglalayon daw na mahasa ang husay ng mga bata hindi lamang sa larangan ng Math kung hindi maging sa pag-unlad ng kanilang teamwork.

Larawan mula sa Facebook post ni Cherille Zaira Gordula

Wala namang mapagsidlan ng tuwa ang mga magulang, guro, at mga kababayan ng batang Math genius. Ayon sa ina nitong si Cherille Zaira Gordula, hindi raw niya maisalarawan ang kanyang nararamdaman sa mga nakukuhang achievements ng kanyang anak.

Hindi kasi ito ang unang pagkakataon na nag-uwi ng gintong medalya ang bata ngayong taon. Noong Hulyo, gold medalist rin si Zac Harvey sa ginawang 5th Singapore International Math Olympiad Challenge na ginawa sa Singapore. Mayroon din siyang naiuwing dalawang bronze awards mula sa nasabing kompetisyon.

Source :

PIA, Facebook

Loading…