Graffiti sa Bonifacio Shrine: Mayor Isko galit na ipinakita kung gaano kahirap linisin ang bandalismo

  • Mayor Isko nadismaya sa nakitang bandalismo sa likod ng Bonifacio Shrine
  • Sinubukan ni Mayor Isko na burahin ang graffiti gamit ang paint thinner pero hindi rin iyon nabura
  • Pinapinturahan ng alkalde ang bahagi ng Bonifacio Shrine na may bandalismo

Sa isang video na ibinahagi ng Manila Public Information Office nitong Lunes, Ika-18 ng Nobyembre, makikita si Manila Mayor Isko Moreno na sinusubukang burahin ang graffiti na ipininta ng mga vandals sa likod na bahagi ng Bonifacio Shrine.

Screenshot mula sa video ng Manila PIO

Sinabuyan ni Mayor Isko ng paint thinner ang graffiti at paulit-ulit na kinuskos ng basahan upang subuking burahin ang bandalismo.

“Tingnan natin kung matatanggal,” anang mayor. “Tingnan n’yo kung gaano kahirap. Ito gusto n’yo sa gobyerno? Ito ang gusto n’yong pagkaabalahan namin? Imbes na ang pagkaabalahan namin kung paano kayo bibigyan ng bahay, paano namin kayo bibigyan ng trabaho, paano namin kayo bibigyan ng gamot?” sabi pa ni Mayor Isko na ang pinatutungkulan ay ang mga taong gumawa ng bandalismo.

Ilang ulit pang sinubukan ng mayor na burahin ang graffiti sa pamamagitan ng basahan na binasa ng paint thinner ngunit hindi pa rin iyon nabura.

Ani Mayor Isko, hindi magsasawa ang lokal na pamahalaan na linisin ang mga ganitong ginagawa ng mga vandals, ngunit ipinaalala niya sa mga ito na ang pondong ginagamit sa paglilinis ng mga graffiti ay mula sa kaban ng lungsod na dapat sana ay magagamit sa serbisyo sa mga residente.

Screenshot mula sa video ng Manila PIO

Kinuwestyon ng alkalde ang grupong nasa likod ng bandalismo na nagsasabing ipinaglalaban ang mga mahihirap.

“’Di ba pinaglalaban niyo, mahirap? Sino gumagamit ng pampublikong ospital, ‘di ba mahirap? Sino ang makikinabang sa pabahay, ‘di ba mahirap? Ito po, mga mahirap naming kababayan, binobola nila kayo o ginagamit lang kayo nila para sa political goal nila. Gumising kayo, mga kababayan,” aniya.

Sa huli, pinapinturahan na lang ni Mayor Isko ang bahagi ng Bonifacio Shrine na sinulatan ng bandalismo.

Screenshot mula sa video ng Manila PIO

Loading…