Groom nasurpresa nang maglakad sa kanilang wedding day ang bride na 7 taon nang naka-wheelchair

  • Babae na pitong taon nang naka-wheelchair naglakad patungo sa altar sa araw ng kanyang kasal
  • Pagkatapos ng kasal ay kasama niyang naglakad ang kanyang asawa palabas ng simbahan
  • Kahit nakadarama ng kirot, iniwasan ng babae ang wheelchair para sa kanilang espesyal na araw

Sinurpresa ng isang babae na pitong taon nang gumagamit ng wheelchair ang kanyang husband-to-be nang maglakad siya patungo sa altar sa araw ng kanilang kasal.

Screenshot mula sa video ng Yahoo News

Si Emma Kitson, 35 anyos mula sa England, ay sumapi sa Royal Artillery noong disiotso anyos pa lamang siya at na-deploy sa Iraq noong taong 2003.

Kuwento ni Kitson, kinakaya niyang pasanin ang bala ng kanyon na tumitimbang ng 100 pounds upang maipakitang kaya niyang makipagsabayan sa mga lalaking sundalo. Sa katagalan, ang mabigat na pinapasan ay nagkaroon ng epekto sa kanyang spine.

Napilitan si Kitson na lisanin ang army dahil sa tindi ng kirot na nararamdaman sa kanyang likod.

Sumailalim siya sa isang surgery para ayusin ang spine niya, pero nang magising siya pagkatapos ng operasyon ay hindi na niya maramdaman ang kaliwa niyang paa.

“I wasn’t prepared for what would happen,” ani Kitson sa isang panayam. Aniya, hindi naman siya paralisad0 ngunit ang matinding kirot na nararamdaman sa paa ang pumipigil sa kaniya para maglakad kaya napilitan siyang gumamit ng wheelchair.

Screenshot mula sa video ng Yahoo News

Ngunit bago ang araw ng kanilang kasal noong buwan ng Agosto, determinado na si Kitson na maglakad patungo sa altar ng simbahan kung saan maghihintay sa kanya ang noon ay fiance niyang si Christopher Kitson.

Sabi pa ni Emma, wala siyang pakialam kahit gugulin niya ang nalalabi niyang buhay na nakaupo sa isang wheelchair dahil masasabi niya na noong ikasal sila ay naglakad siya papunta kay Christopher at sabay silang lumakad palabas ng simbahan.

Hangga’t maaari ay pinilit daw niyang iwasan ang wheelchair sa espesyal na araw na iyon  dahil nais niyang ipakita ang suot niyang wedding dress.

Screenshot mula sa video ng Yahoo News

Maraming oras ang ginugol ni Emma para makumpleto ang strength training exercises niya sa kanyang mga paa para lang magawa niyang lumakad ng 20 feet patungo sa altar.

At noong August 9, 2019, sa tulong ng ama at anak, ay tagumpay niyang nagawang lumakad palapit kay Christopher na naghihintay sa kanya.

Pahayag niya, nakararamdam siya ng kirot kadalasan at maraming medikasyong iniinom ngunit hindi umano ito makapipigil sa kanya: “But I get on with my life and I enjoy it. I am really happy that I ended my single life walking and started my married life walking,” masayang sabi ni Emma Kitson.

Tunay siyang kahanga-hanga, ‘di ba?

Screenshot mula sa video ng Yahoo News

Loading…