Grupo ng mag-aaral na tumulong sa matandang nakatapon ng bigas sa kalsada, hinangaan

  • Hinangaan ang grupo ng mag-aaral na tumulong sa isang matanda na ‘di sinasadyang makatapon ng bigas sa kalsada
  • Nakilala ang mga estudyante bilang mga pambato ng girl’s basketball team ng Altavas National School sa Aklan
  • Kuwento nila, nakaramdam sila ng awa sa kalagayan ng matanda kaya naman naisipan nilang tulungan ito
Imahe mula kay Annabelle Venancio | Facebook

Viral sa social media ang video ng isang matandang lalaki na namumulot ng bigas sa kalsada. Hindi sinasadyang nabitawan ng lalaki ang plastic na naglalaman ng bigas habang pauwi ito sa kanilang tahanan.

Marami naman ang humanga sa grupo ng kabataan na tumulong sa lolo habang ito ay nasa kalagitnaan ng pamumulot ng natapon niyang bigas sa daan.

Sa video na ibinahagi ng Energy FM sa Facebook noong November 18, mas nakilala pa ang mga mag-aaral na siyang nagpakita ng malasakit sa matanda. Ang mga ito pala ay mga atleta o pambato ng girl’s basketball team ng Altavas National School sa Aklan. Isa-isa silang nagpakilala sa harap ng camera at ikinuwento ang nangyari noong nadatnan nila ang lolo sa kalsada.

“Pauwi na kami non. Nasa bahagi na kami ng Lezo, napahinto kami. May matanda kasi pinupulot ‘yung mga bigas sa kalsada,” ani Harieth Pacis.

“Sa dami nang dumaan walang tumulong. Kami parang napaiyak na habang tinitingnan siya,” dagdag nito.

Ayon sa kanila, nakaramdam sila ng awa dahil walang tumutulong sa lalaki. Bukod rito, nanghihinayang din umano sila sa natapong bigas lalo pa’t itinuturing nila itong grasya.

Imahe mula sa Facebook video ng Energy FM

Dahil na rin sa kanilang pagtulong sa matanda ay umani sila ng paghanga mula sa netizens at maging sa kanilang school principal na si Ginoong Clinton Candelario.

Ipinagmalaki ng guro ang kabutihan ng kaniyang mga estudyante at hiniling na sana ay tuluran sila ng iba pang mga mag-aaral.

Loading…