Halina’t lantakan ang tilapyang ginataan

  • Natakam ang netizens sa mga larawan ng ginataang tilapya
  • Itinampok ito sa Facebook page na “KaProbinsya”
  • Ang ginataan ay isang uri ng pagkaing iniluluto sa kakang gata ng niyog na sinamahan pa ng mga gulay at pampalasa

Isa sa mga paboritong isda ng mga Pilipino ang tilapya. Mapa–prito, sinabawan, o inihaw—tiyak na tataob ang pinggan at masisiyahan ang tiyan. Isa pa sa mga paboritong luto nito ay ang ginataang tilapya na talaga namang kababaliwan.

Kaya naman, pinag–usapan ng netizens ang mga nakatatakam na larawan ng ginataang tilapya sa Facebook page na “KaProbinsya”.

Imahe mula sa Facebook page na KaProbinsya

“Napakasarap naman! Sobrang paborito ko ang tilapya, especially ginataan. Sa Bicol, madalas na inuulam ang mga ganiyan, especially may gata.”

“Wow… sarap niyan lalo na kapag maraming siling pula o siling berde. Uusok ang tenga mo hahaha.”

“Iyan palagi ang niluluto ng mahal ko every weekend kapag nasa bahay lang kami…”

“Masarap magluto ng ganiyan ang aking mahal na lola. Noong kapiling pa namin siya, tuwing Linggo ay pinaglulutuan niya kami ng ginataang tilapya sa maliit na palayok. Tapos sa kahoy siya nagluluto. Napakasarap! Nilalagyan pa niya ng dahon ng pandan upang humalimuyak.”

Para sa mga nagtatanong, isa lamang ang isda sa mga maaaring sahugan o lagyan ng gata na nagmumula sa niyog. Bukod sa kakang gata ng niyog, karaniwang isinasahog sa gata ang iba’t ibang gulay gayundin ang mga pampalasang gaya ng luya, bawang, sibuyas, at minsan ay sinasamahan pa ng patis o fish sauce.

Sa Bicol, kilalang–kilala ang putaheng “sinanglay”. Ang sinanglay ay ano mang isda na nababalutan ng gulay, lemongrass, at dahon ng pandan na niluto sa gatang nilangkapan ng sili. Kadalasang tilapya ang ginagamit na isda sa pagluluto ng sinanglay, gayundin ang iba pang mga isda gaya ng talusog o snakehead, hito o catfish, karpa o carp, puoy o climbing perch, maya–maya o red snapper, hasa–hasa o short mackerel, pampano o pompano, at iba pang mga isda.

Public Domain Image

Loading…