Happy birthday to me! Lalaki binilhan ng cake ang sarili para sa kanyang kaarawan

  • Trending sa social media ang post ng isang lalaki na bumili ng cake para sa kanyang sarili
  • Wala naman daw magbibigay ng cake para sa kanyang kaarawan kaya siya na lang ang bumili nito
  • Marami ang naaliw sa dedication ng cake na binili niya para sa kanyang sarili

Isa sa mga pinakahihintay na araw ng marami sa atin ay ang kaarawan o birthday. Sa araw na ito, nararamdaman ng marami sa atin ang maging espesyal. Nakatatanggap tayo ng regalo at mga pagbati mula sa mga kapamilya at kaibigan. Kung minsan nga ay mayroon ding surpresang ginagawa ang ating mga minamahal para mapasaya tayo.

Ngunit hindi ganito ang kalagayan ng lahat. Mayroong mga nagdiriwang ng kaarawan na parang normal na araw lamang dahil walang nagbibigay ng regalo o nagkakaroon ng handaan. Ito ang dahilan kung bakit trending sa social media ang post ng isang netizen.

Larawan mula sa Facebook post ni Jhay-Ar Sebastian Romero, Jr

Umaani ng maraming reactions at shares ang larawang ibinahagi ni Jhay-Ar Sebastian Romero, Jr. sa kanyang Facebook post. Bumili kasi siya ng cake para sa kanyang sarili noong kaarawan niya. Makikita sa larawan ang nakatatawang dedikasyon na nakasulat sa cake.

“Happy birthday Sarili ko! From: Sa akin din,” nakasaad sa dedication ng cake sa viral post ni Romero na mayroon nang 9,900 reactions, 2,400 comments, at 27,000 shares.

Salaysay pa ni Romero sa kanyang post, mukhang wala naman daw magbibigay sa kanya ng cake o anumang regalo kaya siya na rin na lang din ang bibili nito para sa kanyang sarili. Simple man daw ang kanyang selebrasyon, ay wala naman katumbas ang sayang nararamdaman niya.

“Mukhang wala naman magbibigay sa akin eh. Kaya ako na lang din. Simple lang pero MASAYA,” pahayag ni Romero sa post na hindi lamang sarili niya ang napasaya kung hindi maraming netizens na rin.

Larawan mula sa Pexels

May mga naka-relate naman sa post ni Romero at inilahad na ginawa na rin ang magkatulad na sitwasyon. Mayroong nagsabi na bumili din siya ng handa para sa sarili para naman daw mabusog siya sa kanyang kaarawan.

Mayroon namang netizen na nakakuha ng ideya para sa kanyang papalapit na kaarawan. Bibilhin niya raw ang paborito niyang mga pagkain, at sasamahan din ng cake at lalagyan ng katulad na dedication.

Loading…