HazardHunterPH app ng DOST, makatutulong na maibsan ang panganib na dala ng mga natural hazards

  • Web application mula sa DOST makatutulong na maibsan ang mga panganib na dala ng natural hazards
  • Ang HazardHunterPH ay nagbibigay ng mga importanteng impormasyon na magagamit ng publiko upang makagawa ng matalinong desisyon ukol sa pag-iwas sa mga natural hazards
  • Libre ang paggamit ng app

Alam n’yo ba na maaari ninyong malaman kung gaano kalayo o kalapit ang inyong bahay na tinitirhan mula sa active fault at bulkan sa pamamagitan ng isang web application mula sa Department of Science and Technology (DOST)?

Imahe mula sa HazardHunter

Sa gitna ng mga sunud-sunod na pagyanig na puminsala sa ilang lugar sa Mindanao, makabubuting alam natin kung ligtas ang ating mga tahanan, paaralan o lugar na pinagtatrabahuhan sa nakaambang panganib. Makakatulong dito ang HazardHunterPH.

Sa pamamagitan ng HazardHunterPH app ay maaaring malaman ninuman kung mapanganib o ligtas sa mga natural disasters ang lugar na kinatitirikan ng kanilang tahanan o anumang istruktura…kung ang lugar ay malapit sa active fault at bulkan.

Nagbibigay rin ito ng hazard assessment report na may kasamang paliwanag at rekomendasyon kung anu-anong mga hakbang ang maaaring gawin ng isang property owner batay sa resulta ng assessment na ginawa ng app.

Makikita rin sa app ang mga lugar sa bansa na malapit sa iba-ibang natural hazards gaya ng tsunami, pagsab0g ng bulkan at mga pagyanig.

Imahe mula sa HazardHunter

Madali lang gamitin ang HazardHunterPH. May map interface ito kung saan makikita ang mapa ng Pilipinas. Hanapin lang sa mapa ang eksaktong lugar ng inyong tahanan at i-double click iyon. Pagkatapos i-click ay magsisimula na ang hazard assessment.

Pagkatapos ng assessment ay maaari nang makita ang resulta ng tatlong uri ng hazard assessments kabilang ang Seismic Hazard Assessment, Volcanic Hazard Assessment at Hydro-Meteorological Hazard Assessment. Maaari ring makita ang report with recommendations.

Imahe mula sa HazardHunter

Ayon sa DOST, walang bayad ang paggamit ng HazardHunterPH. Maaari itong ma-access ninuman sa https://hazardhunter.georisk.gov.ph/.

Loading…