Hi-tech! Tricycle service app, ilulunsad sa Imus, Cavite para sa mga seniors, PWD, at nagdadalantao

  • Maaari nang mag-book ng tricycle sa pamamagitan ng mobile app ang isang barangay sa Cavite
  • Inilunsad ng NP Movement ang tricycle booking app na TricyCOOL
  • Sa kasalukuyan, limitado pa lamang ang serbisyo nito ngunit planong palawigin

Uso ngayon ang mga transportation network vehicle services (TNVS) kung saan sa pamamagitan lamang ng mga application sa smartphones ay maaari ka nang makapag-book ng sasakyang maghahatid sa iyo sa iyong destinasyon. Sa kasalukuyan, ang pinakasikat na TNVS sa bansa ay ang Grab kung saan maaaring makakuha ng SUV at ang Angkas kung saan mga motorsiklo naman ang nagseserbisyo sa mga commuter.

Mayroong bagong madaragdag sa mga serbisyong ito dahil ngayon, pati ang mga tricycle ay puwede na ring mai-book sa pamamagitan ng isang app. Ibinahagi ng Facebook page ng NP Movement na siyang nanguna rin sa nasabing proyekto ang kanilang mobile application na “TricyCOOL.”

Larawan mula sa Facebook page ng NP Movement

Ayon sa post, sundo at hatid ang serbisyong ibibigay ng TricyCOOL sa kanilang mga komyuter sa Imus, Cavite. Gayunman, ang serbisyo nila ay para lamang sa senior citizen, persons with disability (PWDs), at mga nagdadalantao.

Kapag susunduin daw sa pickup point, mayroong karagdagang charge na 25 hanggang 30 pesos dahil daw susunduin ng tricycle ang pasahero sa mismong bahay nito. Mayroon ding registration fee ang paggamit ng TricyCOOL ngunit libre muna ito hanggang sa Disyembre 25, 2019.

Sa kasalukuyan, maaari pa lamang magamit ang TricyCOOL app sa Barangay Tubig sa Imus. Ngunit ayon sa NP Movement, sa oras na matapos ang kanilang beta testing ay mag-e-expand raw sila ng mga biyahe sa iba pang barangay sa nasabing bayan. Tatagal daw ang beta testing hanggang sa unang quarter ng 2020.

Maraming netizen naman na taga-Cavite ang natuwa sa inobasyong ito sa kanilang transportasyon. Malaking tulong daw ito lalo na para sa may edad na at may kondisyon upang hindi na mahirapan pa sa pagpunta sa mga terminal.

Larawan mula sa Facebook account ni Shara Dizon

May mga residente naman sa iba’t ibang barangay sa Imus na nais na ring magkaroon ng TricyCOOL app. Hiling nila, sana raw ay mayroon ding ganitong serbisyo sa kanila dahil ang iba ay hirap na talaga sa pagko-commute nila at paghahanap ng masasakyang tricycle.

Nais din ng ilan na sana, kahit normal na commuters ay makakuha rin ng serbisyo mula sa TricyCOOL app. Tugon naman ng NP Movement, gagawin nila ang kanilang makakaya upang mas mapalawak pa ang serbisyo na maaari nilang maibigay sa mga mananakay. Maaaring i-download ang TricyCOOL application sa Google Play Store at sa App Store.

Loading…